Aksidente sa SLEX na kinasangkutan ng pagsabog ng mga LPG tank, maaari daw sanang naiwasan
Nanawagan ang isang kongresista sa kanyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes na aprubahan na ang panukalang batas na nagtatakda ng mas mahigpit na panuntunan sa pagbiyahe at pangangasiwa ng mga liquefied petroleum gas (LPG) tank. Ang panawagan ay ginawa ni LPG-MA party-list Rep. Arnel Ty, matapos maganap ang aksidente sa South Luzon Expressway (SLEX) nitong Lunes kung saan tumagilid ang sasakyang nagdedeliber ng mga LPG tank at nagkaroon ng mga pagsabog. Ayon sa kongresista, aprubado na sa komite ang inihain niyang House Bill (HB) 5052, o an Act Establishing the Regulatory Framework for the Safe Operations of the LPG Industry, pero nanatiling nakabinbin pa rin sa plenaryo. “Under stringent standards governing the road transfer of LPG, cylinders are not supposed to get thrown out of the truck in the event it is involved in an accident," paliwanag ni Ty, kasapi ng House energy committee. “It is also possible the truck was overloaded (with LPG tanks). This might explain why the truck supposedly swerved from left to right before it fell on its side," idinagdag niya. Sa kabila ng mga naganap na pagsabog ng LPG tanks, wala namang iniulat na nasawi sa naganap na aksidente. Pero isipin na lang daw ang pinsalang idinulot ng aksidente kung naganap ito sa isang mataong lugar. Ayon kay Ty, nakabinbin sa plenaryo ang inihain niyang panukalang batas kahit inindorso na ito ng 55 miyembro ng House committee on trade and industry noong nakaraang taon. Sinabi niya na pangunahing layunin ng panukala na matiyak ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mas mahigpit na patakaran sa safe storage, refilling, distribution, transportation at paggamit ng LPG. “Congress should act fast, and not wait for far more deadly accidents involving LPG blasts to happen. Otherwise, blood might be in our hands," pahayag ng kongresista. - RP/FRJ, GMA News