ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima: Kidnappers ng Burmese na bata, nanghingi ng ransom


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iginiit ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Miyerkules na sinubukan umano ng mga kidnapper ng walong-taong-gulang na Burmese na bata na humingi ng ransom mula sa mga magulang nito. Sa isang panayam, inihayag ni De Lima na "mataas" umano ang singil ng mga kidnapper kapalit ng kalayaan ng bata, ngunit binabaan din naman nila ito. "Our information is that there was a demand for ransom pero di natuloy. There was supposed to be negotiations between the kidnappers and the parents through the police's Anti-Kidnapping Group (AKG)," aniya. "Nagtawaran nang nagtawaran pa nga. I don’t know the final amount at the time na nagkaroon ng rescue," dagdag niya. Dinukot ng mga armadong lalaki ang bata habang nasa loob sa kanyang school service van kasama ang 14 iba pang estudyante habang papunta sa kanilang paaralan sa Barangay San Francisco sa Binñan, Laguna, pasado alas-7 ng umaga noong Biyernes ng nakaraang linggo. Sa kalaunan, nailigtas ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang bata. Natagpuan siyang nakakulong sa loob ng kwarto sa isang bahay sa Pines Ville Subdivision sa Taytay, Rizal. Ayon kay De Lima, inilipat na ng NBI ang bata sa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP-AKG) para sa dagdag na imbestigasyon. Lumabas ang pahayag ni De Lima matapos igiit ng PNP na abduction at hindi kidnap-for-ransom ang naganap sa insidente. "Nagtataka ako bakit dine-deny iyan ng AKG. Ang alam ko nagkaroon ng negotiation sabi ng parents. Kahapon kinumpirma ng parents na may demand na malaki na alam ng AKG," ani De Lima. Dagdag niya, nais niyang makipagtalakayan kasama si Secretary Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government sa naganap na kidnap-for-ransom na insidente. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News