GMA News Online Showbiz » Chika Minute

Ynna Asistio, kinasuhan ni Annabelle Rama ng perjury

June 27, 2012 5:01pm
Nagsampa ng kasong perjury ang kontrobersiyal na talent manager na si Annabelle Rama laban sa anak ni Nadia Montenegro na si Ynna Asistio.

Sa ulat ng late night newscast ng GMA’s Saksi nitong Martes, sinabing isinampa ni Annabelle ang reklamo sa dati niyang “alaga" na si Ynna sa Pasig City court.

Ang reklamo ay bunga ng ginawang pagbabago umano ni Ynna sa rescission contract na isinumite nito sa Makati City court para makawala sa kanyang poder.



Bukod dito, inakusahan ni Annabelle na may pagkakaiba rin ang facts of the case sa amended version na inihain umano ng young actress.

Sinabi sa ulat na nananatiling tahimik muna si Ynna sa bagong reklamong isinampa sa kanya ng dati niyang talent manager.

Kukonsulta muna umano ang aktres sa kanyang abogado bago ito magbibigay ng pahayag tungkol sa isyu.

Nauna nang kinasuhan ni Annabelle ng libel si Ynna.

May hiwalay din na demandahan sina Annabelle at Nadia. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News