Plastic ban sa Davao City, ipatutupad na
Ipatutupad na sa Huwebes ang pagbabawal sa paggamit ng mga non-biodegradable plastic bag at polystyrene foam sa mga establisimyento at tindahan sa Davao City. Nakasaad sa patakarang inilabas ng lokal na pamahalaan na maaari lamang gamitin ang mga sumusunod na lalagyan ng mga pinamili sa Davao City: * Recycled o recyclable paper bags; * Biodegradable plastic bags; * Reusable bags, tulad ng cloth bags; * Bags na gawa sa mga materyal na indigenous tulad ng buri, abaca, anahaw, bamboo at pinya; o * Paggamit ng mga corrugated na kahon. Ipinagbabawal din ang paggamit ng plastic bags at polystyrene foam bilang lalagyan ng mga pagkain. "Only recyclable, biodegradable or reusable containers are allowed to be used as a food and beverage containers," nakasaad sa direktiba. "The food and packaging industry are encouraged to develop more environmentally-friendly containers as substitutes for polystyrene food containers," dagdag nito. Hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ang mga mamimili sa Davao City na magdala na lamang ng sariling "reusable and recyclable shopping bags." "They are also encouraged to refuse a checkout bag from the store when buying small items (like a CD, candy, etc.) that do not require a bag," ayon sa kautusan. Binigyan-diin sa kautusan ang kahalagahan sa paggamit ng mga environmentally-friendly na lalagyan ng mga pinamili at pagkain. "The food and packaging industry are encouraged to develop more environmentally-friendly containers as substitutes for polystyrene food containers," paghikayat ng lokal na pamahalaan. Sa hiwalay na ulat ni Pia Arcangel sa 'Balita Pilipinas Ngayon' ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing suportado ng ilang mga residente sa pagpapatupad ng panibagong utos. "Hindi raw kasi nabubulok ang plastic tapos yung iba, kahit saan lang tinatapon," ayon sa isang mamimili. Sang-ayon din sa plastic ban ang isang may-ari ng tindahan. "I hope na ang mga tao sumunod diyan," pahayag ni Johnny Rubillar. "I believe it is good for all." Ang mga lalabag ay maaaring magmulta ng P300 hanggang P5,000 o anim na buwang pagkakulong, ayon sa ulat. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News