ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Koko Pimentel, iniwan ang UNA ngunit mananatili sa PDP-Laban
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kinumpirma ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel III nitong Huwebes na iniwan na niya ang United Nationalist Alliance (UNA), ang koalisyon ng Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) ni Vice President Jejomar Binay at ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Sa panayam sa mga mamamahayag, sinabi ni Pimentel na nauna na niyang kinausap si Estrada sa bahay nito sa Greenhills upang ipaalam sa dating pangulo na hindi na siya tatakbo sa ilalim ng UNA sa darating na 2013 senatorial polls.
"Pinuntahan ko lang siya at sabi ko, ‘Ninong, patawarin mo ako,’" aniya.
"Ako'y nagpaalam na ako po'y hindi ko kayang tumakbo bilang senador sa ilalim ng UNA habang nandoon si [former Senator Juan Miguel] Zubiri at since nandoon si Zubiri ako'y nagregrets na sa nominasyon [nila]. ‘Di ko po kayang tumakbo...na makakasama ko ang taong kumuha ng apat na taon ng termino ko bilang senador. Ganun lang kasimple," dagdag niya.
"Sabi ko nga kay President Estrada, ‘This is not about you or about VP Binay. This is precisely about that issue. Hindi po kaya ng aking konsensya na ako po ay tatakbo bilang senador kasama po si Sen. Zubiri," ayon sa kanya.
Apat na taong nagtunggali sina Pimentel at Zubiri sa Senate Electoral Tribunal (SET) sa isyu kung sino ang karapat-dapat na makakuha ng ika-12 na posisyon sa Senado noong kontrobersyal na 2007 polls.
Noong nakaraang taon lamang naresolba ang isyu nang bumaba sa pwesto si Zubiri bilang senador at binasura ang counter-protest niya laban kay Pimentel. Pumayag din siyang iproklama si Pimentel bilang ika-12 winning senator noong 2007 polls.
Ayon kay Pimentel, tinanggap ni Estrada ang kanyang desisyon na umalis ng UNA. Sa kabilang banda naman, ipinaalam lamang niya kay Binay ang kanyang desisyon sa pamamagitan ng chief of staff ng pangalawang pangulo sapagkat nasa labas pa ng bansa ang vice president.
PDP-Laban pa rin
Iginiit naman ng senador na hindi niya iiwan ang PDP-Laban, kung saan siya ay pangulo.
"’Di ko iniwanan ang partido ko. Ang balak ko, ako'y tatakbo bilang kandidato ng PDP-Laban so pag-aralan na lang kung may legal problems... Hihimayin namin ang coalition agreement word per word. Nung binasa ko naman ang coalition agreement sa palagay ko pwede," aniya.
Ayon sa kanya, maaaring magsalang ng sariling kandidato ang PDP-Laban.
"We did not lose our identities. Ang ibig sabihin lang naman ng approval ng registration ng coalition is it will be treated as a political party for purposes of that election," aniya.
Nauna na ring inihayag ni Comelec chairman Sixto Brillantes Jr. na maaari umanong magsalang ng sariling kandito ang UNA at ang mga partido nito.
Ayon kay Pimentel, hindi niya planong sirain ang pinagkasunduan ng dalawang partido.
"’Yan naman ang pangako ko kay President Estrada na ‘yung pag-atras ko as UNA senatorial candidate hindi ko kukuwestiyunin o guguluhin ‘yung coalition ng PMP at PDP-Laban. So ako lang po ang maaapektuhan dito," aniya.
Bumaba ang pag-asa sa pagkapanalo?
Aminado rin si Pimentel na mas mataas sana ang kanyang tiyansa na manalo sa eleksyon 2013 kung mayroon siyang endorsement ni Estrada, Binay, at Senate President Juan Ponce Enrile, na miyembro rin ng UNA, ngunit isusugal na lamang niya ito.
"Ganyan naman ang buhay... Sometimes you cannot have it all," aniya.
"Nobody forced me to leave. Desisyon ko lang ito. I want to campaign with a happy heart. Gusto ko sa kampanya happy ako," dagdag niya.
Ayon sa senador, hindi pa siya nakatanggap ng pormal na imbitasyon mula sa Liberal Party ng administrasyon ngunit siya ay "open for adoption by everybody."
Maliban kay Zubiri, isasalang din ng UNA sina San Juan Rep. Joseph Victor "JV" Ejercito, Cagayan Rep. Jack Enrile, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, Cebu Governor Gwen Garcia, kasalakuyang senator Gregorio Honasan, at Joey de Venecia.
Pagtanggap ng LP
Samantala, inihayag ni Budget Secretary Florencio Abad nitong Huwebes na handang tanggapin ng Liberal Party si Pimentel sa kanilang partido.
“We told him that he has to first settle his problem with UNA as we did not want to meddle in their affairs. Once he has made up his mind, we will welcome his joining the administration coalition,” kanyang inihayag sa GMA News Online sa isang text message.
Nagsilbing campaign manager si Abad noong 2010 presidential elections at dating pangulo ng partido.
Pinamumunuan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang LP. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular