Demandahan nina Annabelle, Nadia at Amalia, nakarating na sa Cebu
Umabot na sa Cebu City ang banggaan sa korte nina Annabelle Rama, Nadia Montenegro, at Amalia Fuentes. Ito ay matapos kasuhan ni Annabelle ng kasong libelo sa kanyang home town sa Cebu City ang dating mga aktres na sina Nadia at Amalia, at ang manunulat na si Chito Alcid. Ang reklamo ng talent manager na si Annabelle laban sa tatlo ay batay sa umano’y mapanirang pahayag na inilagay ng mga ito sa kani-kanilang Twitter accounts. Sinabi ni Annabelle na dinala niya ang kaso sa Cebu dahil dito siya nakatira at naniniwala siya na magiging parehas ang korte sa pagdinig ng kasong kaso. Si Annabelle ay nahaharap din sa mga kaso na magkahiwalay na isinampa nina Nadia at Amalia. (Video: Amalia Fuentes, nagsampa ng kaso vs Annabelle Rama) May kaso ring libelo si Annabelle sa Caloocan City na isinampa naman ni dating Caloocan mayor Macario "Boy" Asistio, life partner ni Nadia. Sa artikulang isinulat ni Jojo Gabinete para sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, sinabi umano ni Amalia sa isang text message na hihintayin na lamang nito ang pagsasampa ng kaso ni Annabelle bago magkomento. Samantala, wala pa naman umanong tugon si Nadia sa naturang usapin. Una rito, napaulat na hinihikayat ng ilang kamag-anak si Annabelle na tumakbong kongresista sa isang distrito sa Cebu para sa darating na 2013 elections. - FRJ, GMA News