ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sa CamSur uli: Lalaking nasagasaan ng tren, nalasog ang katawan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagkalasog-lasog ang katawan ng isang lalaki na hinihinalang lasing nang masagasaan ito ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Sipocot, Camarines Sur nitong Huwebes ng gabi. Ito na ang ikalawang aksidente na kinasangkutan ng tren ng PNR sa lalawigan ng Camarines Sur sa loob lamang ng isang linggo. Sa panayam ng GMA News Online kay PO2 Albert Joven nitong Biyernes, sinabi nito na pauwi na ang biktimang si Rodrigo Osera sa kanilang bahay na nakatirik sa gilid ng riles dakong 10:00 p.m. nitong Huwebes nang maganap ang trahedya. Napag-alaman sa isinagawang imbestigasyon na binaybay ni Osera ang riles sakay ng kanyang de-tulak na 'rail skates.' Galing umano ang biktima sa paglalako ng tinapay. "Inaalis niya niya yung skates niya pero inabot na rin siya (ng tren na patungong Maynila). Nakaladkad yung biktima ng 50 meters kaya nagkalasog-lasog ‘yong katawan niya. Hiwa-hiwalay na yung dalawang braso, katawan at ulo ng biktima nang respondehan namin," paliwanag ni Joven. Maaari umanong naka-inom ang biktima kaya hindi nito kaagad napansin ang pagdating ng tren. Bukod dito, ilang residente rin umano sa lugar ang sumigaw sa biktima na umalis sa riles dahil sa paparating na tren pero hindi siya sumunod. Nakatira umano ang biktima sa gilid ng riles sa South Centros, na kalapit lang ng PNR Road, North Aurora sa North Centro kung saan siya binawian ng buhay. Inaantay na lamang umano ng pulisya ang pasya ng pamilya ng biktima kung magsasampa ang mga ito ng kaso laban sa PNR o makikipag-areglo na lang sa kumpanya. Nasa kustodiya na rin ng PNR sa Maynila ang drayber ng tren na si Enrique Antonio. Sasailalim siya sa imbestigasyon ng pulisya at aalamin kung bakit hindi ito huminto nang makaladkad ang biktima. Sa ulat naman ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabi ng opisyal ng PNR na si Constancio Toledana, Sr., na magbibigay sila ng tulong sa mga naulila ni Osera. "Doon sa actual pay, [mga] P10,000 [ang maaari nilang makuha] depende pa rin sa discretion ng legal [office] namin kung siya ba (ang pamilya ng biktima) ay kailangan ng assistance," ani Toledana. Noong nakaraang Biyernes, lima katao ang nasawi at marami ang nasaktan nang salpukin ng tren ng PNR ang isang tricycle na may sakay na 13 pasahero sa Iriga City, Camarines Sur. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News