GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Grace Lee: Single, but not ready to mingle

June 30, 2012 12:06am
“Single, but not ready to mingle." Ganito inilarawan ng Kapuso host na si Grace Lee ang kanyang sarili, isang buwan mula nang matigil ang pagdi-date nila ni Pangulong Noynoy Aquino III.

Sa panayam ni showbiz reporter Aubrey Carampel sa Chika Minute ng 24 Oras news nitong Biyernes, sinabi ni Grace na nananatiling magkabigan sila ni PNoy.

Tulad ng pangulo na abala sa kanyang trabaho, sinabi ng Star Bites anchor ng GMA News TV’s Balitanghali, na busy rin siya sa kanyang trabaho.

Bagay na mabuti umano sa katulad niyang “single but not ready to mingle."



Ilang buwan ding naging laman ng balita ang pagdi-date nina PNoy at Grace pero walang pag-amin na nagmula sa kanilang dalawa kung naging "mag-on" sila.

Si Grace ang cover girl ngayon ng 'Look' magazine kung saan nakakaintiga ang title sa kanyang artikulo na, “Before, During and After the President."

Pero paglilinaw ni Grace, siya man ay nagulat nang makita niya ang titulo ng artikulo. Pero kung babasahin, hindi naman umano tungkol lang sa pagkakaugnay niya sa pangulo ang laman nito.

“Nung lumabas siya hindi ko alam na ito pala ang magiging title niya so medyo nagulat din ako. But if you read the article, you will find out na its not really just about that, about the title," paliwanag ng magandang Koreana na may pusong Pinoy.

Mababasa umano sa article ang buhay ni Grace mula sa kanyang kabataan, tungkol sa kanyang pamilya, mga kinahihiligan niya at ang adjustment na kanyang ginawa nang tumira sila sa Pilipinas.

Idinagdag ni Grace na marami siyang natutunan kay PNoy nang mga panahon na nagkakasama sila.

Itinuturing ni Grace ang sarili na mapalad dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makilala ang pangulo na tinawag niyang mabuting tao. - FRJ, GMA News