ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ara Mina, hindi kumbinsido sa public apology ng kapatid na si Cristine Reyes


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpasya umano si Ara Mina na ituloy ang kasong libelo na inihain nito laban sa nakababata niyang kapatid na si Cristine Reyes. Ito ay sa kabila ng public apology na ginawa ng huli. Sa ulat ni Gorgy Rula na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Sabado, inihayag umano ng abogado ni Ara na si Atty. Enrique dela Cruz Jr., na hindi tinatanggap ng kanyang kliyente ang paghingi ng patawad ni Cristine. Sa public apology ni Cristine, lumilitaw na hindi umano inaamin ng aktres ang pagkakamali nito sa kanyang ate Ara. “Papa'no mo patatawarin ang isang taong hindi naman umaamin na siya ay nagkamali?," ayon sa abogado. “Kung natatandaan natin, yung kaso ay nai-file ni Ara, hindi para kumulekta ng pera, hindi para maghabol ng ano man, kundi upang turuan ng leksyon yung kanyang nakababatang kapatid," dagdag pa niya sa PEP nang makausap nitong Biyernes sa GMA Network Center Ipinauubaya na umano ni Ara sa piskalya ang kaso kung iaakyat ang reklamo sa korte. ‘Di kumbinsido Hiwalay na nakausap din umano ng PEP si Ara sa opisina ng iniendorso nitong derm clinic. Nanlumo raw ang aktres nang mapanood ang panayam kay Cristine sa isang TV network kung saan nito ginawa ang public apology. Ayon kay Ara, nakikita pa rin niya sa mga mata ng nakababatang kapatid na galit pa rin ito sa kanya. Mistulang nawalan na umano siya ng tiwala at hindi na pinaniniwalaan ang sinasabi ni Cristine. Bilang nakatatandang kapatid, kabisado raw ni Ara ang ugali ng kapatid at kung sinseryo ito sa paghingi ng patawad. Bagaman nabanggit noon ni Ara na baka iurong nito ang reklamo kapag humingi ng patawad si Cristine, hindi raw niya ito dahil nakita niyang hindi sinsero ang kapatid. Kinumpirma naman ni Ara ang sinabi ni Cristine na nag-text ito sa kanya para alamin kung nasaan siya para puntahan. Ngunit ang hindi umano niya pag-reply sa text ay hindi dahilan para hindi nito (Cristine) malaman ang kinaroroonan niya. Kung desidido at sinsero umano ang kanyang nakababatang kapatid, gagawa ito ng paraan para malaman kung saan siya pupuntahan para magkausap sila. Inihayag din ni Ara na nasasaktan siya sa nangyayari sa kanila ni Cristine dahil hindi lang siya ang apektado kung hindi ang kanilang pamilya, lalo na ang kanilang ina. Napaluha din ang aktres nang ipaalala ang ginawa niyang pagtatanggol noon kay Cristine. Kasalukuyan umanong nasa ibang bansa si Cristine para sa isang show. Pero bago umalis, naglabas ito ng pahayag tungkol din sa paghingi ng paumanhin kay Ara na ipinadaan sa Viva Artist Agency (VAA). - FRJ, GMA News