GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy » The Next Chief Justice

Nominasyon para sa CJ posisyon, tinanggap ni De Lima

July 1, 2012 4:28pm

Tinanggap na ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Linggo ang kanyang nominasyon para sa posisyon ng punong mahistrado.

Sa isang text message sa 'News TV Live' ng GMA News TV, kinumpirma ni De Lima na tinanggap na niya ang magkahiwalay na mga mga nominasyon mula sa Volunteers Againts Crime and Corruption (VACC), Zambales Chapter of the Integrated Bar of the Philippines at kay Civil Service Commission assistant commissioner Rogelio Limare.

Isa sa mga testigo ng prosekusyon si De Lima sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Sa kanyang testimonya, iginiit ni De Lima na inimpluwensyahan umano ni Corona ang kanyang mga kasamahan sa Korte Suprema upang payagan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na makalabas ng bansa sa kabila ng imbestigasyon sa hinaharap niyang poll fraud case.

Si Gng. Arroyo ang naghirang kay Corona bilang punong mahistrado noong Mayo 2010.

Sa botong 20-3, hinatulang guilty ng Senado, na umuupong impeachment court, si Corona sa salang culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa hindi nito pagdedeklara ng tamang kayamanan sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth.

'Pressure'

Nauna nang nagpahiwatig si De Lima na hindi siya interesado sa pwestong binakante ni ousted Chief Justice Renato Corona.

"Kung puwede lang sana huwag muna kayo magtanong. Nahihirapan ako, nape-pressure ako," ani De Lima.

Ayon sa Justice Secretary, agad niyang ipapaalam sa publiko kapag nakapagdesisyon na siya. Nais niyang makausap muna ang kanyang ama, si dating Commission on Elections Commissioner Vicente De Lima at Pangulong Benigno Aquino.

Samantala, ilang araw bago ilabas ni De Lima ang kanyang desisyon, inihayag ni Aquino ang kanyang pagnanais na manatili si De Lima sa Kabinete at sa Judicial and Bar Council (JBC).

“Baka dapat kausapin ko siya na huwag  ka nang magpa-consider diyan at gawin mo iyong papel mo bilang vice chair ng JBC,” nauna nang inihayag ng Pangulo. “Maraming cases na pending na hina-handle niya, eh.”

Bago maging Justice Secretary, naging pinuno ng Commission on Human Rights si De Lima kung saan niya pinamunuan ang Maguindanao massacre case.

Nag-inhibit

Sa hiwalay namang ulat ng "Balitanghali" ng GMA News TV, inihayag ni lawyer Jose Mejia, miyembro ng JBC na kumakatawan sa academe, na maaari umanong tanggapin ni De Lima ang kanyang nominasyon para sa punong mahistrado na posisyon sapagkat nauna na siyang nag-inhibit sa JBC.

"Kasi sinumang kasapi ng JBC na nominado at nag-apply for the position ay nag-inhibit. In the past, si Justice Carpio at saka si Secretary De Lima have been inhibiting themselves," ani Mejia.

Bukod kay De Lima, may ilan pang mga indibidwal sa loob ng JBC na nominado para sa chief justice na posisyon.

Kabilang sa listahan ng mga nominado sina Bureau of Internal Revenue chief Kim Henares, Solictor General Francis Jardeleza, dating Ateneo Law dean Cesar Villanueva, at women's rights lawyer Katrina Legarda.

Mula sa listahan ng mga nominado, pipili ang JBC ng hanggang tatlong pangalan na ipadadala nila sa Malacañang para pagpilian ni Pangulong Benigno Aquino III, na magiging kapalit ni Corona.

Noong Lunes ang huling araw sa pagtanggap ng nominasyon para sa susunod na punong mahistrado.

Pagkatapos nito, haharap ang mga aplikante sa isang pampublikong panayam sa Korte Suprema.

"Ang mga tanong ay iinog sa apat na pamantayan: probity, independence, integrity at honesty," paliwanag ni Mejia. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement