LGUs, pinaalalahanan ng Palasyo tungkol sa pagsuspinde ng klase kapag umuulan
Pinaalalahanan ng Malacañang nitong Martes ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan tungkol sa kanilang responsibilidad sa pag-anunsyo ang suspensyon ng mga klase kapag malakas ang ulan o may iba pang kalamidad. Ang paalala ay ginawa ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, matapos makatanggap muli ng mga reklamo tungkol sa kawalan ng anunsiyo kung may pasok o wala sakabila ng magdamag na pag-ulan. Paliwanag ni Valte, nakasaad sa Executive Order 66 na pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong taon, na ipinauubaya na sa LGU’s ang desisyon kung magkakansela ng klase kapag umuulan o may matinding pagbaha sa kanilang nasasakupan. Ang paglabas ng anunsyo tungkol sa klase ay dapat umanong isagawa pagsapit ng 4:30 a.m. Gayunman, si Valte na rin ang humingi ng pang-unawa sa publiko tungkol sa naantalang pag-anunsyo ng LGUs tungkol sa suspensiyon ng klase nitong Martes. Aniya, sinasanay pa ng karamihang ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang organisasyon sa bago nilang tungkulin sa pag-antabay sa magiging kalagayan ng kanilang lugar kapag masama ang panahon. “We will be asking for a little bit of your patience because it is a new devolved system and our LGUs (local government units) will need to also get used to that system," pahayag ni Valte sa press briefing sa Palasyo. Nang tanungin kung tatanggap ng parusa ang mga lokal na opisyal na hindi ipatutupad ang EO 66, sinabi ni Valte na hahayaan na lamang nila ang Department of Interior and Local Government na magdesisyon tungkol sa naturang usapin. Binigyan-diin ni Valte na dapat maging maagap ang mga lokal na opisyal sa pag-anunsyo ng suspensiyon ng klase para hindi na lumabas pa ng kanilang mga bahay ang mga bata. Kabilang sa mga lugar na kinansela ang klase sa pre-school hanggang high school nitong Martes ay ang Manila, Quezon City, Taguig, Mandaluyong, Navotas at Cainta. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News