Scholarship program para sa mga kaanak ng ‘nagipit’ na OFWs, nais ibalik
Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong buhayin ang scholarship program para sa mga kaanak ng overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng trabaho. Sa ilalim ng House Bill No. 6176 na inihain ni Davao del Norte Rep. Anthony del Rosario, nais nitong amyendahan ang Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act para ibalik ang Congressional Migrant Workers Scholarship Fund. Nakapaloob din sa panukalang batas ang paglalaan ng P100 milyon pondo sa naturang scholarship program na manggagaling sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sa naturang pondo kukunin ang ibibigay na scholarship sa mga pinakamalapit na kaanak ng isang nagipit na OFW na may edad na 21 at nais ipagpatuloy ang kanyang kurso sa kolehiyo, o pagsasanay sa agham at teknolohiya. "We find it most opportune to resuscitate the Congressional Migrant Workers Scholarship Fund to assist distressed OFWs in times of financial uncertainty due to involuntary repatriation," paliwanag ni Del Rosario sa isang pahayag nitong Martes. Ginawang halimbawa ng kongresista ang nagaganap na kaguluhang pulitikal sa ilang bansa sa Gitnang Silangan at North Africa. Gayundin ang mga kalamidad na nangyari sa Japan at New Zealand na naging dahilan para mapilitang umuwi sa Pilipinas ang maraming OFWs. Ang mga “distressed OFW" ay inilarawan sa panukalang batas bilang mga migranteng manggagawa na pinauwi sa Pilipinas dahil sa iba’t ibang sitwasyon gaya ng mga kalamidad, biktima ng pang-aabuso ng amo, human trafficking, sexual abuse at illegal recruitment. Dahil sa biglaang pag-uwi sa bansa, sinabi ni Del Rosario na maraming OFWs ang nababaon sa utang dahil na rin sa kawalan ng trabahong kaagad na mapapasukan. - RP/FRJ, GMA News