GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Palasyo: Kasunduan para sa US spy planes 'di na kailangan

July 4, 2012 9:27am
Hindi na kailangan ng anumang bagong kasunduan o tratado para makapag-padala ang Estado Unidos ng spy planes na magmamanman sa West Philippine Sea.

Ito ang paglilinaw ni Presidential Communications Group head Ricky Carandang sa isang ulat sa Radio DZBB.

Nauna nang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs Secretary Raul Hernandez ang plano ni President Benigno Aquino III na humingi ng tulong sa US sa pagapaplipad ng mga spy planes sa West Philippine Sea.

Kasabay nito, sinabi ni Carandang na ang pagpapadala ng spy planes ay bahagi pa rin ng pagpapaigting ng "monitoring capability" ng bansa, sa kabila ng patuloy na tensyon sa pinag-aawayang Scarborough Shoal o Panatag Shoal.

Dagdag pa ni Carandang, dapat nang ituring ng gobyerno ng Tsina bilang "non-issue" ang posibleng pagpapadala ng spy planes sa nasabing lugar.

Matatandaang umanganl ang Tsina sa sinasabing plano ng Aquino administration tungkol sa spy planes.

Nauna nang nanawagan ang Tsina sa Pilipinas na huwag basta-basta magpalabas ng mga "provocative statement" ukol sa Panatag Shoal.

Suportado naman ni Senador Gregorio Honasan ang planong pagpapadala ng spy planes sa West Philippines Sea. Ayon sa mambabatas, maaaring magsilbing "barangay tanod" ang mga ipadadalang eroplano.

Ngunit paglilinaw ni Honasan, dapat daw munang alamin ni Pangulong Aquino kung sasang-ayon ang Estados Unidos sa plano ng pagpapadala ng spy planes.

Nagsimula ang tensyon sa Panatag Shoal noong Abril matapos harangan ng sasakyang pandagat ng Tsina ang mga barko ng Pilipinas nang tangkain ng mga awtoridad na arestuhin ang mga Tsinong ilegal na nangingisda sa lugar. — Jessie Villabrille /LBG, GMA News


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement