ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Barko ng PHL Coast Guard, handa nang bumalik sa Panatag Shoal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Handa na umanong bumalik ang barko ng Philippine Coast Guard sa pinagtatalunang Panatag (Scarborough) Shoal sa West Philippine Sea. Sa ulat ng dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni Coast Guard Fleet commander Commodore Rodolfo Isorena na handa na nilang bantayan muli ang shoal at naghihintay na lamang ng utos para muling bumalik doon. Mahigit dalawang linggo na ang nakararaan ng iutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang pag-alis sa shoal ng dalawang barko ng Filipinas (isang Coast Guard vessel at isang survey ship ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources), dahil sa masamang panahong dulot ng bagyong Butchoy. Ayon sa Department of Foreign Affairs, pinahahalagahan ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pilipinong nagbabantay doon. Kamakailan, sinabi na ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na kailangan muna ng "re-evaluation" kung dapat bang ipadala muli ang PCG vessel sa Panatag kapag bumuti na ang panahon. Matatandaang sa kabila ng pullout, nanatili pa rin ang Chinese vessels sa lugar, indikasyon diumano ng pagmamatigas ng Tsina sa pag-angkin nito sa shoal na umano'y teritoryo nito. Sa parehong ulat ng dzBB, sinabi naman ni Armed Forces Chief of Staff Jessie Dellosa na sa kasalukuyan wala siyang nakikitang problema sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat ng Tsina sa West Philippine Sea. Sinabi ni Dellosa na bahagi pa rin kasi diumano ng "Freedom of Navigation" area ang mga nilalayagan ng mga barkong Tsino. — Jessie Villabrille /LBG, GMA News

Tags: panatag, shoal