ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagtatago ng botcha sa basurahan, bagong modus upang makaiwas sa panghuhuli


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakatuklas ang mga awtoridad ng bagong modus operandi ng mga nagbebenta ng "double-dead" na karne o botcha. Sa isang operasyon sa Tondo, Maynila, nakahuli ang mga opisyal ng munisipyo ng isang tricycle driver at isang menor-de-edad sa akto ng magpupuslit ng 200 kilo ng botcha. Kinilala ang driver na si Jason Macasinag, samantalang hindi pinangalanan ang bata dahil ito ay menor-de-edad, ayon sa ulat ng dzBB nitong Biyernes. Ayon kay Dr. Joselito Diaz ng Manila Veterinary Inspection Board, plano diumanong itago ng dalawang nahuli ang daan-daang kilo ng karne sa loob ng basurahan upang malusutan ang mga awtoridad. Kadalasan daw bata ang pinagagawa ng pagtatago ng botcha para hindi mahuli. Ayon kasi Juvenile Justice law ng bansa, hindi maaaring hulihin at ikulong ang isang menor-de-edad. Sa paunang imbestigasyon, napag-alaman na ang mga nasabat na botcha ay nanggaling sa Caloocan City at plano sanang ibenta sa mga palengke sa Divisoria. Mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ang pagbebenta ng double-dead meat dahil sa panganib na dala nito sa kalusugan ng mga mamimili. Ayon sa mga awtoridad, malalaman kung botcha ang isang karne kapag may kakaiba itong amoy, may namumuong dugo, at ibinebenta sa napakamurang halaga. Kadalasan gumagamit ang mga vendor ng botcha ng pulang cellophane na nilalagay nila sa mga ilaw sa pwesto nila upang magmukhang mamula-mula at sariwa ang mga karneng paninda nila, ayon sa ulat. — LBG, GMA News

Tags: botcha, divisoria