Tren ng PNR, nakasagasa uli sa CamSur; 2 lalaki na hinihinalang lasing, pinakabagong nasawi
Tatlong sakuna sa loob ng tatlong linggo. Dalawang lalaki na pinapaniwalaang lasing at nakatulog sa riles ng tren ang nadagdag sa listahan ng mga nasagasaan ng tren ng Philippine National Railways sa Camarines Sur. Kinilala ang mga nasawi na sina Jeffrey Carpo, 22-anyos at Kenny Tatodan, 23-anyos, kapwa residente ng barangay Agrupasyon sa bayan ng Ragay, Camarines Sur. Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na nakainom ng alak at nakatulog sa riles ng tren ang mga biktima sa bahagi ng Brgy. Apale. Naganap ang trahedya dakong 3:30 a.m. nitong Biyernes. "Hindi sila nakauwi, nagpahinga sa riles, doon nakatulog at doon nabangga ng tren," pahayag sa dzBB radio ni PO2 Roberto Ferrer ng Ragay police. Hindi nakita Sa panayam ng GMA News TVs Balitanghali nitong Biyernes, sinabi Paul de Quiros, media relations officer ng PNR, na hindi nakita ng makinista o drayber ng tren ang mga biktima. Bukod sa madamo ang lugar na hinigaan ng dalawa, madalim din sa naturang bahagi. Huli na umano nang makapagpreno ang makinista at nahagip ang dalawa. “They were all dressed in dark colors so mahirap mo talagang makita iyon doon tapos grassy pa 'yung area madamo-damo 'yung area dun. So nung nag-apply ng breaks ‘yung driver inabutan pa rin sila," paliwanag niya. Bukod sa pulisya, awtomatiko umanong nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang PNR sa mga sakunang kinasasangkutan ng kanilang mga tren para malaman kung mayroon din silang pagkukulang. 8 sa loob ng 3 linggo Sa pagkamatay nina Carpo at Tatodan, umabot na sa walo ang nasasawi sa mga sakuna sa riles ng tren sa Camarines Sur sa loob lamang ng tatlong linggo. Noong June 22, lima ang nasawi nang salpukin ng tren ng PNR ang isang overloaded na tricycle na may sakay umanong 13 pasahero sa Iriga City. Nalasog naman ang katawan ng isang lalaki na hinihinala ring lasing nang masagasaan ito ng tren ng PNR sa Sipocot, Camarines Sur noong June 29. Ayon kay De Quiros, walang harang sa mga riles ng tren sa mga probinsiya kaya kailangang pag-ibayuhin ang pag-iingat ng mga tao at maging ng kanilang mga makinista o drayber ng tren para maiwasan ang sakuna. - FRJ, GMA News