Palasyo: Mining EO, pirmado na ni PNoy
Pinirmahan na ni Pangulong Benigno Aquino ang executive order ukol sa pagmimina sa bansa, pahayag ng Malacañang noong Sabado. “In all likelihood (it will be made public) Monday afternoon, you can expect a briefing Monday afternoon... We will release the EO at the same time we will be briefing through Sec. Paje the details of the EO,” ani Presidential spokesman Edwin Lacierda sa government-run dzRB radio. Ayon sa kanya, magkakaroon ng briefing si Paje kasabay ang pagpapalabas ng EO para "walang agam-agam... dahil maraming nag-aabang at inaabangan ng business and mining industry at environmentalist." Sa ulat ng BusinessWorld, inihayag ni Paje na maaaring ilabas ang EO ngayong Lunes. Tumanggi naman siyang sabihin ang mga pagbabagong isinagawa sa naunang burador na ipinasa noong Hunyo. Matagal nang inabangan ang pagpirma ng Pangulo sa EO na inaasahang magsasaayos ng magkasalungat na interes ng mining industry, lokal at pambansang pamahalaan, at mga environment advocate. 'Alternative bill' Samantala, ayon naman sa mga Katolikong obispo, mas nais nilang ipatupad ang Alternative Minerals Management Bill (AMMB), na kasalakuyang nakabinbin pa sa Kongreso. Napagkasunduan ng mga 50 obispo at mambabatas ang desisyong ito sa isinagawang national forum sa pagmimina sa Pius XII Catholic Center sa Manila noong Huwebes. Pinangunahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA-JP) ang nasabing forum. “We cannot deny how mining has negatively affected the situation of the poor in our country; the farmers, fisher folks, indigenous people; everyday we are confronted with the reality that it has to be changed,” ani NASSA chairman at Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo. “While we are still not sure about the status of the executive order on mining, that policy will only provide short-term resolution to our situation. What we need is a rationalized policy that will have sustainable and positive impact to generations ahead,” dagdag niya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News