ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis: Motibo sa pagpatay sa dating mayor ng Samar, 'di pagnanakaw


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi umano pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa dating mayor ng probinsya ng Samar sa loob ng kanyang bahay sa Mandaluyong City nitong Sabado ng gabi, ayon sa mga pulis. Sa ulat ni Glen Juego para sa radio dzBB, inihayag ni city police investigation division Chief Inspector Carlito Canlas na kasalakuyan pa nilang sinusuri ang mga posibleng anggulo sa pagpatay kay Constancio Pacanan Jr. matapos matagpuang "intact" umano ang mga gamit sa loob ng kanyang bahay. Ayon sa kanya, kinokonsidera ng mga awtoridad ang posibilidad na maaaring personal na alitan o pulitika ang dahilan ng krimen. Ayon kay Canlas, mayroon silang natagpuang magazine ng 9-mm pistol at ammunition naman para sa 9-mm sa loob ng isang plastic bag sa bahay ng biktima. Nabaril at napatay si Pacanan, dating mayor ng bayan ng Motiong, sa loob ng kanyang bahay sa Welfareville Compound sa Mandaluyong City noong Sabado ng gabi. Nagsilbing mayor ang biktima noong 2004 hanggang 2007. Noong 2007 eleksyon, natalo niya ang kanyang kalabang si Francisco Langi Sr., sa tatlong boto lamang, ngunit idineklara ng korte ng Samar si Langi bilang panalo. Natalo rin siya sa eleksyon noong 2010. Kasalakuyan pang biniberipika ng mga pulis ang impormasyong plano umano ni Pacanan na tumakbo sa 2013 mayoral elections. Sa ulat ng dzBB, napag-alaman ng mga pulis na pumasok ang dalawang lalaking nakasuot ng itim na jacket sa loob ng bahay ng biktima bandang 10:45 ng gabi. — Mandy Fernandez /LBG GMA News