ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jolina Magdangal, isinugod sa ospital matapos maaksidente sa rehearsal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Isinugod sa ospital ang Kapuso actress na si Jolina Magdangal pagkatapos nitong mahulog sa backstage habang nag-eensayo para sa kanyang opening number sa Party Pilipinas noong Linggo. 
 
Ayon sa ulat ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Lunes, tumama ang likod ng aktres at na-sprain ang kanyang paa ngunit mabuti na ang kalagayan nito pagkatapos itong magamot sa ospital.
 
Sa panayam ng GMA News TV, kinuwento ni Jolina kung ano ang talagang nangyari sa kanya sa naturang aksidente.
 
 
Aniya, "Natapilok ako tapos ang unang bumagsak sa akin 'yong lower back ko. Pangatlo na 'to, eh kaya may mga trauma-trauma na itong likod ko kaya natakot na ako."
 
Pero nilinaw ni Jolina na walang fracture ang kanyang likod pagkatapos ng naturang aksidente.
 
Wika pa nito, "'Yong sa paa ko, na sprain lang kaya nilagyan nila ng splint. Parang wala naman fracture parang may nakita lang sila na iba 'yong isang buto doon na posisyon."
 
Dagdag pa nito, "Pero sabi ko nga, 'pag hindi na masakit papa-xray ko ulit para mas maging malinaw kung ano nga 'yon. Pero definitely walang fracture."
 
Labis naman daw na nag-alala ang kanyang asawang si Martin Escueta dahil sa naturang aksidente kaya naman ay binilhan nito ng saklay si Jolina dahil nahihirapan siyang maglakad.
 
Wika aktres, "Kasi pwede ko naman kumbaga italun-talon 'yong isa kong paa, pero since masakit pa 'yong lower back ko, doon siya tumatama. Parang na pre-press siya doon. May pressure rin doon."
 
Pinabulaanan naman ni Jolina ang mga balitang nagdadalang tao siya na sinasabing isa mga dahilan kung bakit siya naaksidente.
 
Aniya, "Nako! Kung anu-ano na ang mga sinasabi nilang nahilo baka raw alam mo na, 'yon meron ng something. Ako po'y natapilok, 'yon lang po."
 
Sa kasalukuyan ay nagpapagaling si Jolina Magdangal sa kanyang bahay kasama ang kanyang pamilya. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News