ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Amalia Fuentes, nagsampa ng kaso laban sa kapatid ng kanyang tenant


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sinampahan ng kasong grave threat at theft ng kampo ng dating aktres na si Amalia Fuentes ang kapatid ng tenant nitong si Cenando Tee Jr. dahil sa di-umano'y pagtangay ng ilang mga airconditioner unit ng aktres at sa pagtutok sa kanya ng baril.
 
Ayon sa abugado ni Amalia na si Atty. Claire De Castro, "Noong tinanong siya [Cenando Tee Jr.], hindi siya nagdeny na nandoon siya sa place. Inamin din niya na  hindi siya taga-roon. So ang point is, bakit ka nandoon at the time na naghahakot ng mga gamit?"
 
Itinanggi naman ni ito ni Tee (kapatid ni Gng. Rosemarie Licup, tenant ni Amalia) nang arestuhin at dalhin siya sa Quezon City Hall of Justice para i-inquest sa reklamong grave threat at theft.
 
Ayon pa sa kanya, frame-up daw ang nangyari at nilinaw pa nitong wala siyang alam sa mga pangyayari.
 
 
Bagama't naging maayos ang pagharap nina Tee at Fuentes sa opisina ni Assistant Quezon City (QC) Prosecutor Nilo Peñaflor, hindi na nakapagpigil na maglabas ng saloobin ang anak ng aktres paglabas nito ng opisina.
 
"Today ko lang nakita na, the treacherous-ness when they stabbed and hit my mom with the umbrella at kitang-kita. We're gonna get you. It's on tape," ayon kay Jeric Stevens.
 
Kinuwestiyon naman ng kampo ni Tee ang pag-aresto sa kanya ng mga pulis dahil wala naman raw itong pinakitang arrest warrant.
 
Ayon pa sa abugado ni Tee na si Atty. Jacinto Blas Braga, "This is a clear violation of the consitutional right to due process. So we intend to pursue remedies against the police officers and the complainant."
 
Inirekomenda ng piskal ang pagsampa ng kasong grave threat and theft laban kay Tee. Bukod dito, P26,000 ang inirekomendang piyansa para kay Tee.
 
Samantala, naglabas naman ng cellphone video ang pamilya Licup kung saan makikitang sinugod sila ng dating aktres at ng anak nitong si Gerick Stevens sa kanilang inuupahang unit.
 
Ang naturang cellphone video ay kinuhanan ng isang sa mga kasamahan ng pamilya Licup.
 
Ayon sa ulat ni Tricia Zafra sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes, iginiit din ni Gng. Rosemarie Licup na ang naturang video ay isang patunay  na ang kampo ni Amalia ang nagsimula ng naturang away noong Hulyo 4, 2012.
 
Dagdag pa nito, makikita sa naturang video na binubulyaway muna ni Jeric ang kanilang  tenant na si Peter Licup bago ito tuluyang binugbog. 
 
Gayundin, pinabulaanan din ng pamilya Licup ang mga alegasyon na tinutukan ng baril ng tenant na si Peter Licup ang anak ni Amalia na si Jeric.
 
Gayunpaman, nagkakagulo na ang dalawang kampo sa naturang cellphone video kaya't hindi pa rin matukoy kung sino ang nagsimula ng gulo. Hindi rin malinaw kung may iba pang mga pangyayaring hindi nakuha sa cellphone video na inilabas ng pamilya Licup.
 
Ayon pa sa naturang balita, offline lamang ang naturang bangko kaya't tumalbog ang tseke na siyang pinagmulan ng gulo.
 
Giit naman ng kampo ng aktres, mapapatunayan na sila talaga ang nasaktan kung buo ang video.
 
Wika pa ni Jeric, "We know what happened. They have two CCTV's [and] we really want them to show that kami ang napuruhan." — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News