Mga labi ng sanggol na sapilitang iniluwal umano ng ina, hinukay
Gagamitin umanong ebidensiya ng mga pulis ang hinukay na mga labi ng sanggol na sapilitang inilabas ng ina sa pamamagitan ng paghiwa ng sarili niyang tiyan noong nakaraang linggo. Sa ulat ni Cesar Apolinario para sa 'Balitanghali' ng GMA News TV nitong Martes, inihayag ni Manila Police District SPO2 Ronald Gallo, na maaaring gamiting ebidensya ang sanggol para mapatibay ang kaso laban sa ina at sa mga kamag-anak nito. "Malaking bagay kasi nakuha natin yung body of the crime. Isa kasi sa ebidensiya ang body of the crime na nagpapatunay na there is an abortion," paliwanag ng pulis. Sinabi sa ulat na maaaring maharap sa kasong intentional abortion ang suspek dahil sa paglabag nito sa Article 256 ng Revised Penal Code o ang International Abortion Law. Ayon naman kay Gallo, maaari namang makasuhan ng obstruction of justice at conspiracy ang kanyang mga kamag-anak dahil sa umano'y ilegal na paglibing sa sanggol. Sa utos umano ng mga kaanak ng ginang, sinabing ibinaon ng dalawang nangangalakal ng basura ang sanggol sa Sta. Mesa pumping station noong Hulyo 5, ayon sa pulisya. Nasa loob ng plastic bag ang full-term baby nang mahukay umano sa ilalim ng lupa. Psychiatric test Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na hiniwa umano ng ina ang sarili nitong tiyan noong Hulyo 4 upang kunin ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Pagkatapos na makuha ang sanggol, tinahi naman niya ang sariling sugat gamit lamang ang karaniwang sinulid at karayom. Dahil sa pagdurugo, isinugod ang ina sa ospital at nakaligtas ito. Ngunit namatay naman ang kanyang sanggol na iniwan umano sa ilalim ng kama. Napag-alamang ng mga pulis na nakapagtapos ng kursong midwife ang suspek. Ayon kay Gallo, sumasailalim na sa psychiatric test ang suspek upang matukoy kung mayroon siyang problema sa pag-iisip. "Kung mapatunayan ng psychiatric na ito'y nasa tamang pag-iisip, mananagot siya sa batas dahil sa krimen niya," ayon sa pulis. Tumanggi naman daw ang ina at mga kamag-anak nito na magsalita tungkol sa usapin ng pagpapalaglag at iligal na paglibing sa bata. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News