GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

CHED, 'di sang-ayon sa paglipat ng simula ng klase sa ibang buwan

July 11, 2012 7:48am

Tutol ang Commission on Higher Education sa panukalang ilipat ang pasukan sa ekswela sa ibang buwan upang makaiwas lamang sa tag-ulan.

Sa isang ulat sa dzBB, sinabi ni CHED chairperson Patricia Licuanan, kahit ilipat mula Hunyo tungo sa Setyembre ang pasukan, hindi pa rin ligtas sa masungit na panahon ang mga mag-aaral dahil kahit Setyembre, Oktubre, at Nobyembre ay dinadayo pa rin ang bansa ng mga bagyo.

Mahigit-kumulang 22 bagyo ang tumatama sa bansa kada taon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA).

Malabo rin namang ilipat sa mga buwan ng tag-araw ang klase dahil mapapagastos lamang lalo ang pamahalaan.

Pagtataya ni Licuanan, kapag sinimulan ang klase ng Abril o Mayo, nangangahulugan rin ito na kailangan gumastos ang pamahalaan ng milyun-milyong piso sa paglalagay ng air-conditioning units para lamang lumamig ang mga classroom sa pampublikong mga paaralan.

Iginiit ni Licuanan na pinakamainam pa rin na manatili sa Hunyo ang pasukan.

Kamakailan ay nabuksan na naman ang usapin sa paglilipat ng simula ng klase, matapos ang kaguluhan sa pagsususpinde ng klase sa Metro Manila na dulot ng pag-uulan mula sa isang low-pressure area.

Naatasan na kasi ang mga lokal na pamahalaan na mag-deklara ng suspensyon bago mag-4:30 ng umaga kapag masungit ang panahon sa kani-kanilang lugar.

Subalit, ilan sa mga lokal na opisyal ang hindi nakasunod sa bagong direktiba, kung kaya naperuwisyo lang ang mga mag-aaral dahil nakapasok na sila sa mga paaralan nang mag-anunsyo ng suspensyon.

Ayon sa Department of Education, pag-aaralan nilang muli ang panukala sabay sabing nangangalap pa sila ng mga ebidensya mula sa PAGASA na susuporta sa desisyon na ilipat ang simula ng klase.

Ayon din sa Malacañang, wala pa ring pinal na desisyon ang pamahalaan ukol sa panukala, lalo pa at kinukunsidera rin nila ang iba't iba pang bagay bago magdesisyon.

"We are looking also at the effect of summer heat on classes. At this time we don’t have a definitive stand on the matter. Pinag aaralan pa," sabi Lacierda. — LBG, GMA News




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus