ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagpatutupad ng 'fixed salary scheme' ng bus drivers, pinigil ng Korte Suprema


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinigil ng Korte Suprema noong Martes ang pagpapatupad ng "fixed salary scheme" para sa mga drayber at konduktor ng bus. Ayon sa tagapagsalita ng korte na si Gleo Guerra, naglabas ang Korte Suprema ng isang status quo ante order kung saan kailangan ibalik sa "commission basis" ang pagpapasuweldo sa mga driver at konduktor. Ayon sa Korte, nakitaan nito ng pangangailangan na pansamantala munang suspindihin ang mga kautusang inilabas dati ng Department of Labor and Employment at ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa fixed salary scheme. "The Court issued a status quo ante order and required respondents DOLE and LTFRB to file their comment within 10 days from notice," sabi ni Guerra. Dagdag pa ni Guerra, dapat rin daw maibalik sa mga bus operator ang mga nawala sa kanilang kita simula ng ipatupad ang fixed salary scheme noong Hulyo 1. Ginawa ng pamahalaan ang fixed salary scheme para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada. Napapansin kasi ng mga awtoridad na nakikipagkaskasan ang mga bus makakuha ng maraming pasahero. Nakabatay kasi dati sa dami ng pasahero at dami ng biyahe nila sa isang araw ang nakukuha nilang suweldo. Inalmahan ng mg operator ng bus ang bagong salary scheme, sabay sabing malulugi lamang sila dito lalo pa at patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo. Dagdag pa nila, ang fixed salary scheme ay paglabag sa mga napagkasunduan nila sa collective bargaining agreement ng drivers at konduktor. Ikinatuwa rin naman ng ilang mga drayber ang desisyon ng Korte Suprema. "Kapag ganitong mahina ang pasada puwede na yan, pero pag naka-base sa komisyon kumikita kami ng mas malaki," sabi ng isang drayber na hindi pinangalanan sa isang ulat sa radio dzBB. — LBG, GMA News