ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaanak ni Dolphy sa Pangasinan, sinariwa ang alaala ng Comedy King


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagdadalamhati rin ang mga kamag-anak at tagahanga ni Dolphy sa pagpanaw ng Comedy King nitong Martes ng gabi. Tila apoy na kumalat sa lalawigan ang balita sa kanyang pagpanaw bunga ng multiple organ failure dahil na rin sa komplikasyon ng kanyang mga sakit. Isang buwan naratay ang Hari ng Komedya sa Makati Medical Center. Ayon kay Lito Santos, pinsan ni Dolphy sa Dagupan City, isang taon din silang nagkasama ng aktor sa iisang bubong noong nag-aaral siya sa kolehiyo sa Quezon City. Ang ina ni Mang Lito at ama ni Dolphy ay magpinsang buo. “Natira ako sa bahay nila nung 1st year college ako, kaya kakilala ko talaga yung isang naging family niya," ayon kay Mang Lito. Sa halos isang taon na magkasama sa bahay, nasaksihan umano ni Mang Lito ang masaya at makulay na buhay artista ng Comedy King. “Siyempre buhay artista, laging may bisita, yung fans nagpupunta," ayon kay Mang Lito. “Very humble ‘yan, hindi nagyayabang." Para naman kay local comedian na si Raul Tamayo na tubong Dagupan, walang kapantay sa pagpapatawa ang kanyang idolong si Dolphy. Ayon kay tamayo, mula sa kanyang lolo hanggang sa kanyang apo ay napatawa ni Dolphy. Hanggang ngayon ay hindi umano siya makapaniwala na wala na ang batikang aktor na kanyang kinalakihan. “Just a few words and facial expressions he can make you laugh. ‘Pag Dolphy na yung tumitira, pino eh.," ayon kay Tamayo na naniniwalang walang maaaring pumalit sa nag-iisang Comedy King. Bukod sa pagpapatawa, natatangi umano kay Dolphy na ang mga ginagawa nito sa harap ng camera ay sumasalamin din sa totoong buhay. Malaking kawalan umano si Dolphy sa mundo ng pagpapasaya, lalo na sa mga taong naghahangad ng kasiyahan. -- Joyce/Barry/CJ/Darix/FRJ, GMA News