ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Barbie Forteza at Derrick Monasterio, bakit may kaba sa karakter nila sa Luna Blanca


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi naiwasan ng Kapuso tween stars na sina Barbie Forteza at Derrick Monasterio na makaramdam ng kaba dahil sa bigat ng kanilang mga papel para sa pinakaunang 'multi-generational' GMA-7 na Luna Blanca. Nagsimula nang mag-shooting ang dalawa para sa ikalawang yugto ng naturang primetime series. Si Barbie ang gaganap bilang dalagang Blanca. Kung saan makakasama niya sa hirap ang kanyang ina na ginagampanan naman ni Camille Prats. Sa istorya, inakala nilang pumanaw na ang kakambal ni Blanca na si Luna na gagampanan naman ni Bea Binene. "Kinakabahan po ako. Kasi siyempre kahit papaano iba't ibang atake rin dapat. Pero, ready na ako lagi," wika ni Barbie. Si Derrick naman ang lalaking iibig kay Luna. Mayroon ding pinagdaraanang problema ang karakter niya dahil sa pagkawala ng kanyang mga magulang. "Feeling ko rito talaga masusukat 'yong acting ko, eh. Super. Kumbaga talagang masasabi kong ito 'yong highlight sa career ko so far," paliwanag niya. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute kamakailan, sinabing gaganap bilang mga nagbabasura ang dalawang tween stars. Dahil sa dumi, halos hindi raw makilala ang dalawa. Taliwas ang kanilang papel ngayon kumpara sa mga nauna nilang proyekto na glamorosa ang karakter na nakasayan ng mga manonood at kanilang mga tagahanga. Masaya naman daw ang mga Kapuso star sa kanilang mga karakter sa hit primetime serye. "Siyempre mahirap mag-shift pero trabaho kasi, eh. At saka masaya naman kasi bagong experience rin," ayon kay Barbie. "Masaya po kasi una, nangingibabaw po 'yong saya kay sa hirap. At siyempre kasi kasama ko si Barbie, totoo 'yon. And, saka 'yong location hindi masyadong... okay lang," pahayag naman ni Derrick. -- GMANetwork.com