GMA News Online Ulat Filipino » Cebu

Magsasaka sa Cebu, patay sa sariling kalabaw

July 11, 2012 11:08pm
Ang kaagapay na hayop sa pagsasaka sa bukirin para mabuhay ang siya ring naging dahilan ng maagang kamatayan ng isang magsasaka sa Cebu.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang magsasaka na si Francisco De Aquino, 50-anyos, matapos magtamo ng mga sugat at bali sa katawan na idinulot ng paulit-ulit na pagsuwag sa kanya ng alaga niyang kalabaw.

Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabi ng maybahay ng biktima na nagsasaka ang kanyang mister kasama ang kalabaw nang biglang magwala ang hayop.

Nakita umano ng ginang ang ginawang pag-atake ng kalabaw sa kanyang mister.

Wala umanong maisip na dahilan ang pamilya ng biktima kung bakit biglang nagwala ang kanilang hayop. Hindi raw naman nila ito sinasaktan.



Kaagad naman nilang ibinenta ang kalabaw dahil inaasahan nilang kakailanganin nila ang panggastos.

Pero dahil sa pagtuloy na pagwawala umano ng kalabaw, napilitan daw ang nakabili sa hayop na katayin na ito para hindi na makapanakit.

Bunga nito, hindi na matutukoy ng mga beterinaryo ang posibleng dahilan ng pagwawala ng hayop.

Paliwanag ng City Veterinary Office, maaaring magwala ang hayop dahil sa rabies o sanhi ng pananakit ng tao. - FRJ, GMA News