ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dolphy: Pinoy Everyman


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi ko masyadong maalala ang istorya ng Facifica Falayfay at Fefita Fofongay dahil maliit pa po akong bata nung napanood ko ang mga pelikulang ito sa isang masurot na sinehan sa aming bayan sa La Union.   Ang naalala ko lang, ilan sa mga eksena in black and white – lalo na nung ang bading na character ni Mang Dolphy ay nag-disguise bilang sundalong Hapon… at kung paano niya ako pinatawa at pinasaya.   Pero tandang-tanda ko pa ang trademark antics niya sa John en Marsha. Kung paanong ang unan niya sa pagtulog, kung hindi man bangkito ay plato. Ang kanyang kama, bangko.   At kung paano sa kanyang paggising ay winiwisik-wisikan lang niya ang kanyang mukha ng tubig, imbes na maghilamos.   At kung paano niya nilulunok na lang ng basta ang tubig na kanyang ipinagmumog.   Lahat tayo, may favorite Dolphy moment – mga hindi malilimutang eksenang nagpatawa at nagpasaya sa atin.   Mapalad ako na ang komedyanteng kinalakhan ko mula sa aking pagkabata, sa aking pagtanda, personal kong na-interview bilang isa ng journalist.   Napakarami niyang ikinuwento. Buong buhay niya yata at career.   At lalo pa niya akong pinahanga nung nakita kong pagkatapos ng aming interview – marahil sa pagod at pagkahapo – siya’y kinailangan pang mag-nebulize o humithit ng gamot para sa kanyang asthma.   Sabi niya sa akin, ayaw na ayaw niyang matawag na Comedy King. Pero iyon pa rin ang madalas nating itinatawag ngayon sa kanya dahil siya naman talaga ang Hari ng Komedya, ang nagbigay sa atin ng napakaraming tuwa, saya, tawa na talaga namang hindi matatawaran, lalo pa sa hirap ng buhay.   Maraming salamat sa kanya na naging mukha at simbolo sa pelikula’t telebisyon ng Pinoy Everyman. Sinalamin niya ang ating mga ama, lolo, tiyo.   Ipinakita niyang gaano man ka-ordinaryo ang ating buhay, hindi dapat mawala ang ating sense of humor, dapat may dahilan pa rin para tayo’y matuwa at ngumiti. — Jessica Soho, GMA News

Tags: dolphy