Concert ni Nicki Minaj, dinagsa ng mga 'Pinoy Barbs'
Napuno ng energy ng mga Pinoy fans o 'Pinoy Barbs' ang Mall Of Asia Arena na nanood ng concert ng International singer-songwriter-rapper na si Nicki Minaj nitong Miyerkules ng gabi. Masuwerte ang mga “Pinoy Barbs" dahil sa buong Southeast Asia, tanging sa Pilipinas lamang nagtanghal si Nicki para sa kanyang Pink Friday World Tour. Ito ang unang pagtatanghal ni Nicki sa Pilipinas, ayon sa ulat ni Cata Tibayan para sa News To Go ng GMA News TV nitong Huwebes. Hindi naman nabigo ang international performer dahil naging mainit ang pagtanggap sa kanya ng kanyang mga Pinoy fans. Naging all-out si Nicki sa kanyang pagtatanghal para sa one night only concert sa Pilipinas. Ilan sa kanyang mga inawit ay ang rap song na 'Beast in the Trap' at ang "Stupid Hoe'. Kabilang sa mga celebrity na namataan sa naturang concert ay ang mga Kapuso host na sina Tim Yap at Raymond Gutierrez. Nandoon din sina Bubbles Paraiso, Mikey Bustos, at Saab Magalona. Present din sa naturang concert ang Ford Supermodel of the World na si Danica Magpantay at si Cavite congresswoman Lani Mercado-Revilla. Bago pa man ang concert, isang press conference ang isinagawa ni Nicki nitong Miyerkules ng hapon. Sa naturang press conference, napahanga ng Kapuso singer-actress na si Frencheska Farr si Nicki nang kantahin niya ang hit song na 'Superbass.' Ang 'Superbass' ay isa sa mga hit song ng international singer-rapper. Kakapanayamin sana ng Kapuso star si Nicki pero napasubo ito nang imbitahan siya ni Tim Yap, host sa naturang press conference, na kumanta sa harap ng dayuhang performer. Labis din ang paghanga ni Nicki sa ganda ng Manila Bay nang una raw niya itong makita sa kanyang hotel room. "I like the scenery, where the boats are. It's beautiful. Manila bay? It reminds me of Miami," pahayag niya. Nag-iwan naman ng mensahe si Nicki bago ito umalis ng bansa patungong Chicago para sa kanyang susunod na concert. “I love girls that are ambitious and I hate lazy people. So, I always give to my girls, my barbs. You know, like, focus on your future," bilin niya. -- Mac Macapendeg/ FRJ, GMA News