Mag-aaral mula sa Pangasinan, namayagpag sa chess tournament sa Vietnam
Nasungkit ng isang 16-anyos na mag-aaral mula sa Urdaneta City, Pangasinan ang apat medalya sa nakaraang 13th Asean Age-group Chess Championship na ginanap sa Hue City, Vietnam. Sa pangunguna ni Romy Fagon, nagmula sa Brgy. San Vicente, Urdaneta, nakamit ng koponan ng mga Pinoy chess player ang pangalawang puwesto sa overall ranking sa naturang torneo. “Masaya at nakatalo ng ibang bansa," nakangiting pahayag ng chess champion na si Fagon. Sa kabila ng kanyang ngiti, may nakatagong pait sa katauhan ni Fagon. Bata pa siya nang iwan siya ng kanyang ina sa mag-asawang Valdez na nag-aruga at nagpalaki sa kanya. Ang kanyang ina kasi ay nagsilbing kasambahay sa mag-asawang Valdez. Ayon kay Mang Eddie, hindi nila itinuring iba si Romy at inaruga nila ito na parang tunay na anak. Nung siyam na taong gulang si Romy, nakitaan daw ni Mang Eddia ng potensyal ang bata sa larong chess kaya siya mismo ang humasa rito. Ipinagmamalaki rin ng pamunuan ng Urdaneta City High School ang kanilang mag-aaral na si Romy. Katunayan, hinihikayat nila ang iba pa nilang estudyante na mahilig sa chess na pag-ibayuhin ang kanilang kaalaman dito. -- MSabado/GLCalicdan/FRJ, GMA News