ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

30 sasakyang pangisda ng China, dumating sa Spratlys


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Matapos sa Panatag (Scarborough) Shoal at sa Hasa Hasa (Half Moon) Shoal, balik na naman sa Spratly Islands ang atensiyon ng pamahalaan ng Pilipinas matapos mamataan doon ang 30 fishing vessels ng Tsina.
 
Sa ulat ng isang Hong Kong news website nitong Lunes, dumating daw sa Spratly Islands ang mga sasakyang pangisda matapos ang 78 oras na biyahe mula sa mainland China.
 
"The move is likely to raise tensions in both the South and East China seas. In recent weeks, rival sovereignty claims have led to a number of tense maritime standoffs," dagdag pa ng naturang ulat.
 
Ayon naman sa Palasyo, pag-aaralan pa nila ang susunod na mga hakbang nila ukol sa naturang mga sasakyang pangisda ng Tsina sa Spartly Islands.
 
"May fishing ban pa po ngayon. So we are going to still study our options there. So pansamantala wala pa po tayong ginagawang kilos po doon," sabi ni presdential spokesperson Edwin Lacierda sa isang press briefing sa Palasyo ngayong Lunes.
 
Ang pagdating ng 30 Chinese vessels ay nangyari kasunod ng mga sunud-sunod na ulat ng presensya ng iba pang Chinese vessels sa ibang bahagi ng South China Sea o West Philippine Sea.
 
Ang Spratly Islands ay binubuo ng maliliit na mga pulo na sinasabing mayaman daw sa langis. 
 
Pinag-aagawan pa rin hanggang sa kasalukuyan ang grupo ng mga isla ng mga bansang Pilipinas, Tsina, Taiwan, Malaysia, Vietnam, at Brunei.
 
Nito lang Sabado, kinumpirma ng Philippine Air Force ang isang sumadasad na Chinese naval frigate sa mababaw na bahagi ng Hasa Hasa (Half Moon) Shoal.
 
Nakita rin ng Air Force ng Pilipinas na may limang iba pang barko at maliliit na mga bangkang nakapalibot na tila tumutulong para makaalis ang Chinese frigate sa pagkakasadsad nito.
 
Ang lugar na sinadsaran ng barko ay nasa layong 60 nautical miles mula sa Palawan. Pasok ito sa 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas na kinikilala sa international law.
 
Ayon kay Lacierda, hindi na raw maghahain ng protesta ang Pilipinas ukol sa sumadsad na Chiense naval frigate, at ipapaubaya na nito sa Department of Foreign Affairs ang pag-iimbestiga sa insidente.
 
Bago pa sa Half Moon Shoal, nagkairingan na rin ang Pilipinas at ang Tsina dahil sa Panatag Shoal na matatagpuan sa silangan ng Zambales.
 
Ayon sa ulat, hinarangan ng mga Chinese civilian vessels ang nga awtoridad ng Pilipinas upang hindi maaresto ang mga Tsinong sinasabing nangingisda ng marine species sa lugar. — RSJ, GMA News