ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

VP Binay, bukas sa pakikipagsanib ng LP at UNA sa eleksyon 2013


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inihayag ni Vice President Jejomar Binay nitong Lunes na bukas siya sa posibilidad na pakikipagsanib ng United Nationalist Alliance (UNA) sa Liberal Party (LP) upang makabuo ng senatorial slate para sa 2013 national elections.
 
"Okay iyon, ang sinasabi namin nang magkaroon ng UNA candidates ay ang mabigyan ang mga kababayan natin ng opportunity para makapamili pa ng mga qualified and willing to work in government," ani Binay sa media.
 
"Open [ako]. Political suicide iyon kapag hindi ka open sa ganoon. Mapapagbintangan kaming napakayabang namin, na may monopoly," dagdag niya.
 
Inihayag niya ito matapos imungkahi ni San Juan City Rep. Joseph Victor "JV" Ejercito, isa sa mga nais isama ng UNA sa 2013 senatorial polls, nitong Linggo ang posibleng pagbubuo ng "super senatorial slate" sa pagsasanib ng LP at UNA ni Binay.
 
Para sa 2013 eleksyon, binuo ni Binay ang UNA kasama ni dating Pangulong Joseph Estrada. Nakipagsanib ang Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) ni Binay at ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni Estrada upang mabuo ang UNA. Si Pangulong Benigno Aquino III naman ang pinuno ng LP. 
 
Walang problema
 
Ayon kay Binay, wala pa siyang alam sa umano'y usapan sa pagitan ng LP at UNA tungkol sa iminungkahing super slate ngunit iginiit niyang wala siyang problema kung naisin ng LP na makipagsanib sa kanila.
 
"Hindi ko alam sa mga kasama ko kung narinig na nila iyong super body na sinasabi ninyo. Sana maniwala kayo na hindi ko nalalaman iyon, pero siguro iba sa mga kasamahan, mga backdoor," aniya.
 
Sa ngayon, maaaring maging banta ang UNA sa LP para sa 2013 eleksyon, na maaaring naging dahilan sa posibleng pakikipagsanib ng ruling party sa dating kalaban ni Pangulong Aquino na si Senator Manuel Villar at ang kanyang partido na Nacionalista Party.
 
Sa kabila nito, nang tanungin ang administrasyon kung nakikita nitong banta o kaalyado ang UNA, inihayag ni presidential spokesperson Edwin Lacierda: "UNA has to describe itself first. Obviously we can describe LP as the administration party. But as to UNA, they have to describe themselves. We will not be defining them. They should define themselves." 
 
Ayon naman kay Binay, hindi umano karaniwang opposition party ang UNA.
 
"Kaya nga ba maingat at parati ko na lamang sinasabi sa inyo, ang salitang opposition na ang ibig sabihin ay paninira sa pagkatao, paghahabla kabi-kabila, hindi iyon ang opposition ng UNA," aniya.
 
"Kami, basically, tutulong sa tuwid na daan. Iyon lang, kapag naliligwak, nagkakamali iyong iba naming kasama sa gobyerno, tatawagan namin ng pansin. Kami ay hindi paninira ang gagawin, kun'di constructive [criticism] para magkaisa at maiayos ang gawain ng pamahalaan," dagdag niya.
 
Maliban kay Ejercito, plano rin ng UNA na isabak sina dating Sen. Juan Miguel Zubiri, Rep. Jack Enrile, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, Cebu Governor Gwen Garcia, whistleblower Joey de Venecia, at Senador Gregorio Honasan sa 2013 eleksyon.
 
Sa kabilang banda, maaari namang isabak ng LP sina Aurora Rep. Sonny Angara, dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros, Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, at TESDA Chairman Joel Villanueva.  
 
Dahil sa pakikipagsanib ng LP sa NP, maaaring patakbuhin sina Senators Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes IV, at ang asawa ni Villar na si dating Las Piñas City Rep. Cynthia Villar. 
 
Ayon kay Lacierda, pinagkakasunduan na ang posibleng pagsama ni Sen. Francis Escudero sa kanilang slate bilang guest candidate.
 
"[But] let’s wait for the LP to make a decision on that matter. We don’t want to preempt the LP to announce the candidates," aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News