GMA News Online Showbiz » Chika Minute

Bangayan nina Annabelle Rama at showbiz writer na si Chito Alcid, patuloy

July 17, 2012 3:27pm
Ipina-blotter ng showbiz writer na si Chito Alcid sa Taguig City police ang talent manager na si Annabelle Rama na nakaalitan niya sa lamay ng yumaong Comedy King na si Dolphy noong Biyernes ng gabi.

Hindi na nagsama ng abogado si Alcid nang magpunta himpilan ng pulisya dahil pawang katotohanan lang naman daw ang kanyang isusumbong.

Sa kabila nito, hindi pa pormal na nakapagsasampa ng reklamo si Alcid dahil kailangan din niyang magprisenta ng testigo na susuporta sa kanyang magiging reklamo laban kay Rama.

Ayon sa pulisya, maaaring sampahan ng nagrereklamo si Rama ng 'other forms of threat'.

Naging emosyonal din entertainment writer nang makapanayam ng media dahil sa kahihiyan umano na idinulot sa kanya ng nasabing insidente na nangyari sa burol ni Dolphy.

"Kung makikita ko na talagang sincere at 'yong tapang niya ibababa niya doon, sabihin niya siya ang nagkamali, bakit hindi ko siya patatawarin? Pero ang kaso tuluy-tuloy," pahayag ni Alcid.

Pinabulaanan din niya ang mga alegasyon ni Rama na gumawa lang siya ng eksena dahil sa kagusutuhan nitong magpasikat.

Kuwento niya, hinarang siya ng talent manager sa pintuan ng banyo at pinagmumura siya.

Nang iwasan daw ni Alcid si Annabelle, sinundan siya nito na may hawak ng kitchen knife na galing sa buffet table.



Walang pasisisi

Nauna nang itinanggi ni Rama ang mga paratang na may hawak siyang kutsilyo nang harapin niya ang showbiz reporter.

Maliban pa rito, iginiit ni Rama na hindi siya hihingi ng tawad at hindi siya magpapatalo sa showbiz writer na una na niyang kinasuhan ng libelo sa Cebu noong nakaraang buwan.

"Itutuloy ko pa rin ang demanda ko sa iyo at hindi ako magso-sorry sa iyo, no way! Sino ka [para] mag-sorry ako sa’yo?," pahayag ni Rama.

Sinagot din ni Rama ang mga pambabatikos sa kanya sa mga social networking sites tulad ng Twitter.

"Lahat ng sinabi niya sa akin sa Twitter, mga grupo na 'yon, maraming-maraming salamat. Totoo lahat ng sinasabi ninyo. Squatter ako, okay! Wala akong respeto bastos, okay! Inaamin ko gan'on ako, kapag ako galit," pagdiin ng talent manager.

Bagaman hindi humingi ng patawad kay Alcid, sinabi ni Rama na isa-isa niyang hiningan ng tawag ang mga anak at kaanak ni Dolphy sa nangyaring kaguluhan sa burol ng Comedy King. -- Mac Macapendeg/ FRJ, GMA News


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement