GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy » Eleksyon 2013

Palasyo, nagtaka sa biglaang interes ng UNA na makipagsanib puwersa sa LP

July 18, 2012 12:00am

Ipinagtataka ng Malacañang ang biglaang interes ng United Nationalist Alliance (UNA) na makipagsanib puwersa sa Liberal Party (LP) para makabuo ng senatorial slate para sa darating na 2013 midterm elections.

"Certainly we would like to ask them why is there a sudden openness [from] their party when previously they have already mentioned we don’t need any other political groups," ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda sa press briefing sa Palasyo nitong Martes.

Ang pahayag ay ginawa ni Lacierda matapos sabihin ni Vice President Jejomar Binay na bukas siya sa posibilidad na bumuo ng koalisyon ang UNA sa LP.

Ang UNA ay binubuo ng PDP-Laban party na pinamumunuan ni Binay, at ang Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Ngunit kung si House Majority Leader Neptali Gonzales II ang tatanungin, “awkward" kaya imposibleng magsanib puwersa ang LP at UNA.

“Ang dami na nila e. How do you strike a balance, ‘di ba? Puno na sila, and then makikipag-coalition pa sa LP," pahayag ni Gonzales, kasapi ng LP.

Bukod dito, halos kasado na umano ang pagsasanib puwersa ng LP at Nacionalista Party (NP) ni Sen. Manny Villar at Nationalist Peoples Coalition (NPC) ng negosyanteng si Danding Cojuangco.

“Mahirap nang talunin itong mga ito (nasa LP-NP-NPC coalition). Whether we like it or not, may name recall na e," ayon kay Gonzales.

Ayon kay Lacierda, wala pa umano siyang natatanggap na impormasyon kung mayroong naganap na pag-uusap tungkol sa pagsasama ng UNA at LP.

Gayunman, aminado siyang nagulat siya sa biglaang pagpapalit ng posisyon ng UNA na naunang nagpahayag noon na hindi makikipag-koalisyon sa ibang partido.

"They have already formed their own coalition [so] why are they open to [a] coalition with the Liberal Party? So it is up in the air. Why [did] they decide to change their mind?" pahayag ni Lacierda.

"They have adopted an exclusionary policy in the beginning and therefore because of that the LP decided to forge ahead with its own coalition," dagdag niya.

Ilan sa mga lumulutang na pangalan na magiging kandidato sa LP-NP-NPC senatorial slate ay sina Sens Francis Escudero, Loren Legarda, Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes IV.

Kasama rin sina Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, Custom chief Ruffy Biazon, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) chief Joel Villanueva, dating Las Piñas Rep. Cynthia Villar, dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros, at Paolo “Bam" Aquino.

Samantala, ikinukonsidera naman sa UNA sina Sen Gregorio Honasan, San Juan Rep. JV Ejercito, Cagayan Rep. Jack Enrile, at maging ang mga kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sina Zambales Rep. Milagros Magsaysay, Cebu Governor Gwen Garcia, at dating Sen Miguel Zubiri. - Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News



advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement