GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Lagnat, maaaring sintomas ng enterovirus infection — DOH

July 18, 2012 12:40pm
Maaari umanong isang sintomas ng enterovirus infection ang pagkakaroon ng lagnat, pahayag ng isang health official nitong Miyerkules.

Ayon kay National Epidemiology Center head Enrique Tayag, kasama umano ng lagnat ang hirap sa paglunok at ang pangingisay.

"Kung may batang nilalagnat, dalhin sa ospital para ma-monitor natin. Ang iba, dinadala sa hospital dahil hirap ito sa paglulon, (kaya) na-dehydrate. Dalhin pa rin sa ospital kahit walang nakitang symptoms like convlusion, sakit ng ulo, at pananamlay," ani Tayag sa panayam ng dzBB radio.

Payo niya, maaaring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga lokal na health center kung hindi nila ito madala sa ospital.

Sa ngayon, wala pang bakuna para sa Enterovirus 71 (EV-71), na sanhi ng pagkamatay ng mahigit 56 na mga bata sa Cambodia.

Ang EV-71 ay isang uri ng nakamamatay na hand, foot, and mouth disease (HFMD), at wala pa umanong indikasyon na nakarating na ito sa Pilipinas.

Samantala, mayroon nang dalawang bata sa bansa na positibo sa enterovirus, ngunit ayon kay Tayag, kinukumpirma pa nila kung ito nga ang nakamamatay na EV-71.

"Huwag nang hintayin na tumaas pa ng husto ang lagnat," ani Tayag.

Nanawagan muli si Tayag sa mamamayan na huwag kalimutang hugasan ang mga kamay, lalo na pagkatapos gumawa ng "maduming" trabaho tulad ng pagpapalit ng diaper ng bata.

Ang dumi, kung nagpalit ng diaper at hindi nahugas ng kamay, ay maaaring makahawa sa ibang bata," aniya.

Dagdag niya, kinakailangang paliguan at disimpektahin ang mga bata sa day care centers lalo na matapos nilang maglaro.

"At kapag may batang umuubo, kailangan takpan ang bibig para di makahawa," aniya.

Samatala, kasalakuyan nang nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa mga health opisyal ng Cambodia at sa World Health Organization hinggil sa EV-71. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus