AFP
GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Intl rights group: Pagpatay sa mga aktibistang kontra pagmimina sa PHL dapat wakasan na

July 18, 2012 3:50pm
Nanawagan ang isang international human rights group kay Pangulong Benigno Aquino III na tuldukan na ang patuloy na pagpatay sa mga aktibistang tutol sa pagmimina, sa gitna ng panibagong inisyatiba sa pagsusulong ng pagmimina sa bansa.

Ayon sa New York-based Human Rights Watch (HRW), mayroon umano silang naitalang tatlong kaso ng pagpatay mula pa ng Oktubre ng nakaraang taon, na isinisi sa paramilitary forces.

Tinutulan ng mga biktima ang mga pagmimina na maaaring makasisira sa lupain at komunidad ng mga tatutubo, ayon sa HRW noong Martes.

"President Benigno Aquino has enacted decrees to encourage mining investment in the Philippines but has done little to stop attacks on environmental advocates," ani HRW deputy director for Asia Elaine Pearson.

"He [Aquino] should recognize that respecting human rights is crucial for economic development," aniya.

Naglabas ng panibagong polisiya ng pagmimina si Aquino nitong buwan sa pagnanais na tumaas pa lalo ang kita mula sa pagmimina habang napoprotektahan ang kalikasan.

Sa kabila nito, naniniwala si Pearson na hindi umano natugunan ng panibagong polisiyang ito ang isyu ng pang-aabuso ng paramilitary forces, na itinalaga ng militar upang protektahan ang mga kumpanya ng pagmimina mula umano sa pag-atake ng mga komunista.

Ayon naman sa tagapagsalita ni Aquino na si Ramon Carandang, hindi umano kinukunsinti ng gobyerno ang pag-atake sa mga environementalist at iba pang anti-mining advocates.

Iginiit niyang kasalakuyang nagsasagawa na ng mga imbestigasyon sa mga naunang kaso sa mga aktibistang napatay.

"We are doing what we can, and we do recognize the need for these cases to be resolved much more quickly...," pahayag niya sa panayam ng Agence France-Presse.

Ayon sa kanya, ang pag-ugnay sa militar sa mga kaso ng pagpatay ay isang "sweeping allegation" na maaaring magdulot ng dagdag na tensyon.

Noong Oktubre, nabaril at napatay si Italian priest Fausto Tentorio, isang anti-mining activist, sa loob ng kanyang parish compound sa bayan ng Arakan sa Mindanao.

Apat ang suspek sa kinilalang nagmula sa lokal na paramilitary group, ngunit ni isa sa kanila ay di pa naaaresto.

Napatay din ang dalawang iba pang mga aktibista noong Marso at Mayo, habang isa naman noong Enero ng nakaraang taon sa Palawan.

Binaril ang environmental broadcaster na si Dr. Gerry Ortega sa Palawan dahil umano sa kanyang kampanya laban sa pagmimina.

Kasalakuyang nagtatago pa mula sa korte ang dating gobernador na nagplano umano sa pagpatay kay Ortega. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement