GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Obispo, ‘di naniniwalang walang alam si PNoy sa pagbuhay sa Cha-cha

July 18, 2012 8:37pm
Naniniwala si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na batid ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang muling pagbuhay sa usapin ng Charter change o Cha-cha.

Hindi umano kapani-paniwala na sina Senate President Juan Ponce Enrile at Speaker Feliciano Belmonte lamang ang mangunguna sa pagsusulong ng Cha-cha nang walang basbas ni Aquino, ayon sa obispo.

Pahayag ni Cruz, may mga plano ang pamahalaan – gaya ng pakikipagkasundo sa Moro Islamic Liberation Front – na hindi maisakatuparan dahil may probisyon sa 1987 Constitution na nagiging hadlang.

“Ang tingin ko diyan, mismong ang Pangulo pa ang nagsabi na mag-usap sila tungkol diyan (sa Cha-cha). Bakit ko nasabi ‘yon; una, mayroon silang nais palitan sa Konstitusyon na sang-ayon sa kahirapan na ilunsad ang kanilang mga proyekto," pahayag ng obispo sa panayam ng Radyo Veritas nitong Miyerkules.

“Gusto nilang palitan ang probisyon (sa Saligang Batas) on territorial integrity pagkat yung Bangsa Moro at MILF na talagang nag-insist ng sub-state," dagdag niya.

Una rito, iniugnay ni Enrile sa Saligang Batas ang kahinaan ng sandatahang lakas ng Pilipinas bunga na rin ng sigalot ngayon ng bansa sa China kaugnay sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea.

Kasunod nito, nagpahayag naman ng tiwala si Belmonte na kaya nilang isakatuparan sa Kamara de Representantes ang pag-amyenda sa ilang probisyon sa Saligang Batas.

Dati nang inihayag ng liderato ng Kamara ang pangangailangan na amyendahan ang Konstitusyon partikular sa mga probisyon na may kinalaman sa ekonomiya.

Sa kabila nito, nagpahayag ang Palasyo na hindi prayoridad ng pamahalaan ang pag-amyenda sa Konstitusyon.

Dahil dito, sinabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales II, na hindi magtatagumpay ang anumang hakbangin tungkol sa Cha-cha kung wala ang suporta ni Aquino.

Ngunit paniwala ni Cruz, susuportahan ni Aquino ang pag-amyenda sa Konstitusyon para maipatupad ang mga isinusulong na panukala tulad ng kontrobersiyal na Reproductive Health at divorce bill.

"Gusto nila ang divorce aside from the RH bill and the same sex marriage. They have to change Article 15 about family and marriage (sa Constitution)," ayon kay Cruz. - MP/FRJ, GMA News



advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement