Walang masama kung banggitin ni PNoy sa SONA sina Arroyo at Corona -- Belmonte
Walang nakikitang masama si Speaker Feliciano Belmonte kung banggitin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa kanyang talumpati sa State of the Nation Address (SONA) ang pag-impeach kay dating Chief Justice Renato Corona at mga kasong isinampa laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “Why not? It is a public concern. You cannot just ignore the fact that those are important developments in our history," patungkol ni Belmonte sa pagpapatalsik kay Corona at mga isinampang kaso laban kay Arroyo. Sa kasalukuyang, sinasala ng Judicial Bar Council (JBC) ang mga nominadong papalit sa nabakanteng puwesto ni Corona. Samantala, nakadetine naman sa Veterans Hospital si Arroyo dahil sa kasong electoral sabotage. Kamakailan lang, sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder si Arroyo sa Sandiganbayan kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) intelligence fund na aabot sa P366 milyon. Hinala naman ng kampo ni Arroyo, ginawa ang pagsasampa ng kaso laban sa dating pangulo para maisama ito sa magiging laman ng talumpati ni Aquino sa SONA. Nakatakdang gawin sa Lunes, July 23, ang ikatlong SONA ni Aquino sa Batasang Pambansa sa Quezon City. Gayunman, sinabi ni Belmonte na umaasa siya na ilalahad din ni Aquino sa kanyang talumpati sa SONA ang mga planong gawin ng pamahalaan para sa ikabubuti ng bansa. “If I were in his shoes, I will definitely mention it. Can we just forget the big effort that has been put into the impeachment case and its result? Also, he will mention the former President, but he should also mention other matters. I don’t think anybody can disagree with that," ayon sa lider ng Kamara. Nitong Martes, sinabi ni House Majority Leader Rep. Neptali “Boyet" Gonzales II, na dapat ilahad ni Aquino sa kanyang SONA ang mas malinaw na “roadmap" sa pagpapalago ng ekonomiya at mga programang “malapit sa sikmura" ng mga tao. Sinabi ng kongresista na naipakita at napatunayan na ni Aquino sa sambayanan ang kanyang matibay na paninindigan kontra sa katiwalian kaya dapat tutukan naman nito ang usapin tungkol sa ekonomiya. Tiniyak naman ni presidential spokesperson Edwin Lacierda na hindi madidismaya ang mga tao sa magiging laman ng SONA ni Aquino.- RP/FRJ, GMA News