AFP
GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy » Panatag Shoal

Ilang miyembro ng ASEAN, dismayado sa 'di paglabas ng summit ng pahayag ukol sa West PHL Sea

July 19, 2012 3:29pm
Dismayado ang ilang mga miyembrong bansa sa pagkabigo ng Association of Southeast Asian Nation noong nakaraang linggo na maglabas ng Joint Communiqué tungkol sa "code of conduct" sa West Philippine Sea sa naganap na 45th Ministerial Meeting sa Cambodia.

Sa website ng Singaporean Foreign Minister, inihayag ni Singaporean Foreign Minister K Shanmugan na nadungisan umano ang reputasyon ng ASEAN dahil nabigo itong manindigan sa isang hidwaan na maykinalaman sa mga magkakapit-bansa sa rehiyon.

Dahil dito, tinawag ng ilang diplomata ang Cambodia, namumuno sa ASEAN meet, na umano'y "worst chair."

Pinasinungalingan naman ni Cambodian Prime Minister Hun Sen ang akusasyong "binili" ng China ang suporta ng Cambodia sa gitna ng alitan sa West Philippine Sea.

Desidido

Sa kabila nito, determinado ang ilang mga bansang miyembro ng ASEAN na isulong pa rin ang "code of conduct" sa pinag-aagawang lugar ng karagatan, at kung kinakailangan, kahit sa labas ng summit ito pagtitibayin.

"How can ASEAN play a central role if it doesn't have a common position?" ani Indonesian Foreign Minister Marty Natalegawa noong Lunes ayon sa ulat ng Reuters.

Ayon sa kanya, bibisitahin niya ang mga miyembrong bansa ng ASEAN upang makabuo ng joint statement.

Sa ulat naman ng Agence France Presse noong Miyerkules, dumating si Natalegawa sa Manila upang makipagkita kay Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, bilang panimula ng kanyang pagbisita sa mga miyembrong bansa ng ASEAN.

"ASEAN must continue to maintain its cohesion, its unity in addressing the issue of the South China Sea," ani Natalegawa sa media.

Ayon sa kanya, sang-ayon siya at si del Rosario na kinakailangang magsagawa ang ASEAN ng mga pangunahing patakaran tungkol sa South China Sea, kasama na ang pagsusulong ng code of counduct upang maiwasan ang alitan sa lugar.

Umaasa naman siyang magreresulta ang kanyang regional tour sa "common ASEAN position" sa mga teritoryong pinag-aagawan.

Summit environment

Ayon sa pahayag ni DFA Undersecretary Erlinda F. Basilio, sinusuportahan umano ng ibang mga bansa, kabilang na ang Sinagpore, Indonesia, Malaysia, Thailand at Vietnam, ang posisyon ng Pilipinas.

Dagdag ni Basilio, kinonsulta umano ng Pilipinas ang mga kasamahan nito sa ASEAN bago pa man ang summit sa Cambodia. Dahil nakapagbuo umano ang ASEAN Senior Officials ng "ASEAN Foreign Ministers’ Statement on the Situation in Scarborough Shoal” noong Mayo 24.

Ayon sa ulat ng Reuters, walang kasiguraduhan ang pagsusulong sa code of conduct sa loob ng summit sapagkat ang ASEAN chair nations sa susunod na dalawang taon ay ang "low-profile" Brunei na susundan naman ng Myanmar na umano'y umaasa lamang sa China.

Dahil dito, inihayag ni University of the Philippines Professor at International Relations/ Asia Pacific Security/ Northeast Asia-China expert Dr. Aileen Baviera sa GMA News Online na kinakailangan umanong protektahan ng ASEAN ang kanilang kredibilidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mas maraming demokratikong pagpupulong.

“Hopefully, ASEAN countries learned that the host country or chair should not be able to hijack or dominate the meeting. The chair should only be there to facilitate," aniya.

Para naman sa Pilipinas, mayroon umanong tatlong posibleng daan na tutunguhan ng bansa upang isulong ang interes sa West Philippine Sea. Isa lamang dito ang diplomatic efforts ng Pilipinas sa ASEAN.

Ayon kay Basilio, ang tatlong tracks ay political, diplomatic at legal. Bahagi ang ASEAN sa political track. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement