ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sakit na tumama sa mga bata sa Cambodia, wala pa sa Pilipinas -- DOH


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Negatibo ang resulta sa ginawang pagsusuri sa dalawang batang Pinoy na may sakit at pinaghinalaan na mayroong Enterovirus 71 –ang virus na pinagmulan ng sakit na tumama sa napakaraming bata sa Cambodia. Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, ibinalita ni Dr. Eric Tayag, tagapagsalita at direktor ng National Epidemiology Center ng DOH, na nakarekober na sa sakit ang dalawang batang Pinoy. “Because they’ve recovered, unlikely na Enterovirus 71 ‘yon," ayon sa opisyal. Ipinaliwanag naman ni Dr. Celia Carlos, Pediatric Infectious Diseases Specialist ng Research Institute of Tropical Medicine, na masusi nilang sinuri ang kondisyon ng mga bata para matiyak kung anong uri ng enterovirus ang posible nilang taglay. Una rito, ipinaliwanag ni Tayag na mayroong iba’t ibang klase ng enterovirus katulad ng coxsackie A-16 at enterovirus 71. Ang naturang virus ay pinagmumulan ng mga sakit gaya ng hand, foot and mouth disease, polio, acute respiratory disease at ang kinatatakutang brainstem encephalitis na hindi pa nakikita sa bansa. Sa ulat ng US Center for Disease Control and Prevention, ang utak umano ang target ng EV-71, tulad ng polio na nagdudulot ng muscle twitching, seizures at paralysis. (Basahin: Dapat nga bang katakutan ang Enterovirus 71?) Ayon pa sa CDC, hindi dapat pagkamalan ang hand foot and mouth disease sa kapangalan nitong foot and mouth disease. Isa umanong infectious at madalas nakamamatay na viral na sakit ang foot and mouth disease na nakakaapekto lang sa mga hayop ngunit naililipat sa mga tao. Hindi naman inaalis ni Tayag na maaaring maging panibagong sakit na kapalit ng polio ang maaaring idulot ng EV-71. “Na-eradicate na natin yung polio, and just like polio, they’re [enterovirus] found in intestines, na nasheshed sa dumi natin. [It] easily spreads from hand to mouth," paliwanag ni Tayag. Ayon sa DOH, may malaking tiyansa na makuha ng mga batang edad lima pababa ang sakit na ito. Maaari namang maging carrier ng virus ang mga matatanda. Maliban sa pagsasagawa ng disease surveillance training sa mga ospital, upang madaling matukoy ang virus, binabantayan na rin ang mga lokasyon kung saan maaaring kumalat ang sakit. “We are going to monitor day care centers, schools, because these are the settings where outbreaks of hand foot and mouth disease have been known to occur in the past," ani Tayag. Samantala, inihayag ng Malacañang na handa ang gobyerno kung sakaling pumasok ang nakamamatay na enterovirus sa bansa. Sa press briefing nitong Miyerkules, siniguro ni presidential spokesperson Edwin Lacierda ang publiko na kumpleto na sa pangangailangan ang Health Department upang labanan ang nasabing sakit. Dagdag niya, lokal pa naman ang lahat ng kaso ng enterovirus ngayon sa bansa. “So far wala pa naman tayong incidents of enterovirus coming from abroad," ani Lacierda. Sa ngayon, wala pang bakuna o solusyon para sa EV-71, ngunit ayon sa DOH, sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay at pagiging malinis sa katawan, maaaring iwasan ang sakit na naikakalat sa pamamagitan ng laway, dumi ng tao at fluid blisters. -- Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News