GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Palasyo: Talumpati ni Aquino sa SONA, nakahanda na

July 22, 2012 7:02pm
Matapos sumailalim sa mahigit pitong burador, nakahanda nang ilahad ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang ikatlong State of the Nation Address ngayong Lunes, inihayag ng Malacañang nitong Linggo.
 
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, tinapos umano ni Aquino nitong Sabado, kasama ang kanyang speechwriters, ang talumpati na kanyang ihahayag sa joint session ng Kongreso sa darating na Lunes ng 4 ng hapon.
 
“Good to go, handa na siya for the SONA sa Monday. Tapos na ang kanyang ang SONA niya, pwede na sa Monday," kanyang inihayag sa government-run dzRB radio.
 
Naglabas umano ng utos si Aquino sa kanyang mga opisyal na huwag muna ihayag ang nilalaman ng kanyang SONA, ngunit ayon kay Lacierda, magiging “truthful and inspiring” umano ang talumpati ng Pangulo.
 
Ayon sa kanya, magiging "factual" ang SONA ni Aquino, kung saan ilalahad ng Pangulo ang mga tagumpay na natupad noong nakaraang taon. Ihahayag din umano niya ang kanyang mga plano para sa natitirang bahagi ng kanyang termino.
 
Ayon kay Lacierda, maaaring gumamit ng visual aids si Aquino sa kanyang SONA. Gagamitin naman niya ang wikang Filipino sa kanyang talumpati, ngunit magkakaroon ng translation booths na tutulong sa mga diplomats na makikinig sa kanyang SONA.
 
Hindi naman tinukoy ni Lacierda kung ano ang magiging sasakyan ni Aquino patungong Batasan complex sapagkat sa darating na Lunes pa magsasagawa ng desisyon para nito.
 
Ayon kay Lacierda, umabot umano ng "more than seven" ang mga burador sa talumpati ng Pangulo. Dagdag niya, naberipika na ang mga bilang na babanggitin ni Aquino sa kanyang SONA.
 
“Wala siyang ilalabas na hindi totoo," iginiit niya. — Mandy Fernandez/DVM, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus