Belmonte, nanawagan sa Kamara na suportahan ang Chacha, RH bill
Nanawagan si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa kanyang mga kasamahan na suportahan ang Charter change (Chacha) at pagbotohan na ang kontrobersyal na reproductive health (RH) bill sa pagbubukas ng ikatlong regular session ng Kongreso nitong Lunes. Ayon kay Belmonte, ang pagpapabago sa economic provision ng 1987 Constitution ay makapagtulak umano sa bansa tungo sa pag-unlad na ninanais ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. “It is high time that we revisit the economic provisions of the Constitution which, to my mind, restrict our economic progress and growth,” ayon kay Belmonte sa kanyang talumpati sa harap ng 225 miyembro ng Kamara. Chacha can help "Congress to enact laws that would define foreign participation and nationality requirement in strategic sectors of our economy,” dagdag pa niya. Samantala, nauna nang inihayag ng Malacañang na hindi umano prayoridad ng administrasyong Aquino ang pag-amyenda sa Saligang Batas. Nakatakda nang ihayag ni Pangulong Aquino ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa mga miyembro ng Kongreso ngayong Lunes ng hapon. Boto para sa RH bill Nanawagan din si Belmonte sa kanyang mga kasamahan na tapusin na ang debate sa kontrobersyal na RH bill upang malaman na kung ano ang dapat kalalagyan ng panukalang-batas. “The RH bill is already in plenary debate. It has been discussed from every possible perspective by advocates and opponents alike not only in this Congress but in past congresses,” aniya. “I think it is time we finally put it to a vote,” dagdag niya. Mahigit isang taon nang nagdedebate ang Kamara ukol sa RH bill, na dating kilala bilang House Bill 4244. Prayoridad ni Pangulong Aquino ang pagpasa sa RH bill, na nag-e-endorso sa paggamit na natural at artipisyal na pamamaraan sa pagplano ng pamilya. Lubos na tinutulan ng Roman Catholic Church ang panukala sapagkat natural family planning methods lamang ang kanilang iniendorso. Noong nakaraang buwan, nagtapos ang pagdedebate ng Senado sa kontrobersyal na panukala. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News