Kalyeng-kalye ang SONA!
Sabi ng palasyo, magiging inspiring ang SONA ni PNoy, ang kanyang ulat sa mga boss. Binuksan ko ang isip ko kahit na sa totoo lang, kahit magsabi ng achievements ang ilang nakaraang administrasyon, parang di mo dama na totoo. Nananatili silang numero. Walang sinseridad. Still, I expected the SONA to be truthful sa mga achievements ngunit magiging open sa pagsasabing marami pang dapat gawin. Sabi naman ng iba puro si Corona ang magiging pokus ng speech dahil yun lang ang nagawa ng admin niya. Habang pinapanood ang SONA, wala akong masabi kundi WOW! Kuhang kuha ang kiliti dahil sa ginagamit ang wika at istilo ng bayan. Hindi lamang siya pangulo na nagsasalita sa elitistang Kongreso kundi Pangulo siya noon ng mga dyipni drayber, fishball vendor at janitor. KALYENG-KALYE sa wakas ang wika! Pinaintindi niya na malaki ang budget ng militar sa matagal na panahon ngunit ngayon pa lamang may makikitang malaking pagbabago sa kagamitan. Na kahit na malaki ang budget ng depensa, pinalaki rin ang budget ng edukasyon, maging ang matagal na binawas-bawasan SUC budget ay dinagdagan!!! IBANG KLASE. Inuna rin niya ang GINHAWA, edukasyon, kalusugan. May nagagawa pala para sa pagkakasakit ng mahirap matugunan ang kanyang mga gamot at pagpapaospital. Dumami ang tumatanggap ng PPP, mas marami na ang klasrum at upuan at aklat sa paaralan. Gumanda na ang MacArthur Highway at marami palang infrastraktura. Malaki ang pagbabago sa ating agrikultura at turismo. Hindi ito trabaho lamang ng Presidente, ngunit ng kanyang mga gabinete at ng mga taong gobyerno. Pinaalala rin niya, SONA din natin ito. Hindi lang pala si Corona ang topic niya, hindi ito ang naging puno't dulo. Mahaba ang SONAng ito, pinakamahaba sa nagdaan lamang na kasaysayan. Ngunit malaman, nakagugulat! Ito ang SONA! Kahit mahal ko ang pangulo, di ko alam na ganito pala ang nagagawa niya at ng mga tao niya. Kahit sinong kritiko, kahit ano pa ang sabihin ay ni hindi pa matutumbasan ang nagawa na ng admin sa napakaikling panahon. Pero di dapat maging kampante. Marami pang dapat gawin. Ang ganda ng ekonomiya na sinasabi sa macro terms at stock market ay kailangan hintayin pang bumaba sa mga maralita. OK lang, di naman magdamagan ang pagbabago. Alam niya rin kung kailan magiging macro at kung kailan magkukuwento ng micro sa pamamagitan ng anecdotes. Pinaintindi niya ng epektibo ang achievements ng pamahalaan at ang epekto ng bawat isa sa atin. I think he is the best and most effective spokesperson of our government. Na-inspire ako, at bukas ay isang bagong umaga para sa akin. May pag-asa muli ako, ganado ulit akong maging Pilipino. PNoy, tama nga mga kritiko mo, Rockstar President ka nga. Kung ganyan ka ng ganyan, ang dami ng kabataan na hahanga sa iyo. RAKENROL!!! Hindi siya perpekto pero nagtatrabaho PALA ang pamahalaan niya. Kung yellow ang malalaking network bakit ngayon ko lang nalaman ang mga ito? At dahil ang oposisyon ay nagsasabing kaibigan sila, may istabilidad na magtrabaho para sa bayan ang pangulo. Nakikita ko, I see the Philippines rise. Basta wala lang magtatangka muli na agawin at guluhin ang ating demokrasya. Xiao Chua P.S. Sa mga wala pa ring makitang maganda, alam kong karapatan niyo ang magkaroon ng opinyon at iginagalang ko ito. Pero hayaan niyo ito, pangit sabihin pero sasabihin ko na rin: KAYO KAYA ANG MAGING PANGULO? Si Xiao Chua, 28, ay isang assistant professor ng Kasaysayan sa De La Salle University.