GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Grupong Migrante, dismayado sa SONA ni PNoy dahil walang nabanggit tungkol sa mga OFW

July 24, 2012 7:33pm

Tags: Philhealth
Dismayado ang isang grupo na nagtataguyod sa kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW) dahil walang nabanggit si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III tungkol sa mga migranteng manggagawa sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng Migrante International na ang kawalan ng pagbanggit ni Aquino tungkol sa sektor ng OFW ay pahiwatig na walang maipagmamalaking nagawa ang pamahalaan sa mga migranteng manggagawa o sadyang wala itong plano para sa tinatawag na bagong bayani ng bayan.

Hindi rin gaya ng mga naunang SONA ni Aquino, sinabi ni Garry Martinez, chairperson ng Migrante International, na hindi man lang itinanggi ng pangulo na may umiiral na labor export policy sa bansa.

Dagdag pa niya, kahit man lang atas sa mga kinauukulang ahensiya para sa mga OFW gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ay walang nabanggit si Aquino.

“Hindi na kayang magpanggap ng gobyerno sa usapin ng mga OFWs. Lantad na lantad na kasi ang kasinungalingan at kawalang-aksyon nito para protektahan at bigyang-serbisyo ang mga kababayan natin sa ibang bansa," ayon kay Martinez.

Isa sa mga mahigpit na tinututulan ngayon ng mga OFW ay ang plano ng pamahalaan na itaas ng 100 porsiyento ang kontribusyon nila sa PhilHealth simula Enero 2013 na aabot sa P2,400.

Hindi naman kinalimutan

Sa pulong balitaan sa Malacanang nitong Martes, nilinaw ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na hindi nangangahulugan na walang plano si Aquino sa mga usapin na hindi nabanggit sa SONA gaya ng Freedom of Information (FOI) bill at sa mga OFW.

“Isipin po natin isang oras at kalahati po ‘yung tinakbo ng talumpati ng Pangulo," pahayag niya “Kung lahat po babanggitin natin ay baka hanggang ngayon po nandoon pa po tayo."

“So hindi po ibig sabihin na (kapag) hindi po nabanggit ay hindi po siya ina-aksyunan, hindi po ginagalawan," aniya. “Again, the SONA is not the end-all and the be-all of the President’s governance."

Nanawagan si Valte sa mga OFW na huwag sanang sumama ang loob ng mga migrante kung wala mang nabanggit sa SONA tungkol sa kanila ang pangulo.

“Hindi lang po ‘yung SONA ang pagkakataon ng Pangulo na bigyang pagkilala ‘yung ating mga OFW," ayon sa opisyal. - FRJ, GMA News
Go to comments

Tags: Philhealth



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus