ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga lider ng Simbahang Katoliko, hindi lubos na nasiyahan sa SONA ni PNoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kabilang ang mga lider ng Simbahang Katoliko sa mga hindi nasiyahan sa laman ng talumpati ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa kanyang State of the Nation Address nitong Lunes. Puna ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, miyembro ng Permanent Council ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, walang malinaw na paninindigan na ipinakita si Aquino sa kanyang SONA pagdating sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill. Sinabi ng obispo na dapat nilinaw ni Aquino na magkaiba ang “responsible parenthood" sa konteksto ng RH bill na isinusulong ng ilang mambabatas na mahigpit na tinututulan naman ng Simbahan. Dahil sa pahayag ni Aquino sa SONA na pumapabor sa responsableng pagpapamilya, ikinunsidera ng ilang mambabatas na hudyat ito ng pagpabor ng pangulo sa RH bill na hindi makausad sa Kongreso. “Magkaiba kasi ang konteksto ng Simbahang Katolika at mga nagsusulong ng RH bill sa usapin ng responsible parenthood. Sa Simbahan kapag sinabi mo na responsible parenthood, dapat natural family planning ‘yan at values formation," paliwanag ni Bastes sa panayam ng Radyo Veritas. “Sa mga mambabatas na pabor sa RH bill, sa mga mambabatas, kapag sinabi mo na responsible parenthood ay condom kaagad ‘yan at pills," dagdag niya. Nanawagan si Bastes sa mga tutol sa RH bill na manatiling mapagmatyag sa naturang panukalang batas at huwag iboto ang mga kandidato na susuporta sa naturang hakbangin. Iginiit naman ni CBCP-Episcopal Commission on Family and Life chairman Antipolo Bishop Gabriel Reyes, na hindi solusyon ang responsible parenthood sa problema ng kakulangan ng mga silid-aralan at iba pang problema sa edukasyon. Payo ng obispo kay Aquino, sa halip na pigilan ang pagdami ng mga bata ay dapat umano nitong pagtuunan ng pansin ang problema pa rin sa katiwalian sa gobyerno at pagpapalago sa ekonomiya ng bansa. Para naman kay Fr. Ranhillo Aquino, dean ng San Beda College Graduate School of Law, iresponsable ang pahayag ni Aquino na matutugunan ang problema sa edukasyon sa pamamagitan ng responsible parenthood. Kasabay nito, pinuna rin ng mga lider ng Simbahan ang kawalan umano ni Aquino ng programa para matigil ang paglabag sa mga karapatang pantao, extra-judicial killings, pagsulong sa kapakanan ng mga indigenous people, kawalan ng trabaho, malawakang contractualization, problema sa pabahay at mataas na singil sa kuryente. - MP/ FRJ, GMA News