We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa pagtatapos ng Showbiz Central nitong nakaraang Linggo, July 29, naitanong kay John “Sweet" Lapus kung ano ang kanyang planong gawin o kung lilipat ba siya sa ibang network. Sa ulat ni Ruben Marasigan sa isinulat niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Huwebes, sinabi ni John na wala siyang planong umalis ng Kapuso Network kahit nagwakas na ang Showbiz Central kung saan naging bahagi siya sa loob ng limang taon. Dagdag pa niya, mapapanood pa rin naman siya sa primetime series na Makapiling Kang Muli, na pinagbibidahan nina Richard Gutierrez at Carla Abellana. Pero kung mabibigyan daw muli ng pagkakataon, nais pa rin niyang makasama sa isang showbiz-oriented talk show. Mami-miss daw niya ang paghu-host ng ganitong tema ng talk show na maraming taon na niyang ginawa. Kailangan din daw niyang mag-adjust sa paggising ng maaga tuwing Linggo para maghanda dati sa Showbiz Central. At kahit paminsan-minsan ay napapanood din siya sa ibang network, sinabi ni Sweet na nasa GMA-7 pa rin ang kanyang puso at loyalty. “E, it’s just a guesting. Ang loyalty ko pa rin ay nasa GMA," aniya. So hindi rin totoo na nagpaplano siyang lumipat sa ibang network? “Wala. Kung bibigyan naman ako ng trabaho rito, bakit pa ako lilipat? Loyal akong tao," deklara ni Sweet. Pinabulaanan din niya ang mga tsismis na may pagdududa sa kanyang loyalty kaya hindi na siya isinama sa H.O.T. TV na ipinalit sa Showbiz Central. Katunayan, nanawagan pa nga si Sweet na suportahan ang H.O.T. TV. “And sana rin suportahan nila yung papalit, yung H.O.T. TV., dahil I heard it’s really very informative and something new. “So… might as well support it. “At yung mga fans ko naman, abangan nila… definitely and hopefully, dito pa rin sa GMA kung anuman yung show na ibibigay sa akin ng management," ayon kay Sweet. Bukod sa TV projects, makakasama rin si John sa filmfest movie na Si Agimat, Si Enteng, And Me, na pagbibidahan nina Sen. Bong Revilla, Vic Sotto at Judy Ann Santos. - FRJ, GMA News