ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagong uwi na OFW at 2 niyang pamangkin, patay nang makuryente sa Bataan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Limang magkakamag-anak sa Mariveles, Bataan ang nakuryente na naging dahilan ng pagkamatay ng tatlo sa kanila – kabilang ang kakauwi pa lamang na overseas Filipino worker na electrical engineer. Kinilala ang mga nasawi na sina Engr. Amado Fulgencio, Sr., 56-anyos; at mga pamangkin nito na sina Kelvin John Ison, 20, at Roman Rivera, 39-anyos, pawang residente ng Brgy. Baseco, Mariveles. Nagtamo naman ng sunog sa katawan ang anak ni Fulgencio na si Amado, Jr., at isa pang pamangkin na si Jason Restonis. Batay sa ulat ng pulisya, may inaayos na galvanized iron pipe ang mga biktima nitong Huwebes mula sa isang deepwell nang sumabit ito sa isang kawad ng kuryente na dahilan ng kanilang pagkakakuryente. “Pagtaas ng tubo, nakita kong umilaw, umapoy ang dulo nito at tumumba at tumalsik kung saan-saan ang lima," kwento ng saksing si Ladie Amor. Ayon kay Dionito Ison, ama ni Kelvin John at bayaw ng engineer, hindi napansin ng mga biktima ang kawad ng kuryente sa itaas ng deepwell dahil natatakpan ito ng mga dahon mula sa isang puno. Dagdag ni Ison, kadarating lang ng kanyang bayaw mula sa Palau at inaayos ang tubo na pinagkukunan ng tubig sa kanilang pamilya. – Ernie Esconde/FRJ, GMA News