Sundalong napatay sa Basilan, ikinarangal ng pamilya
Kahit nagdadalamhati ang naiwang pamilya ng 24-anyos na sundalo na kasamang namatay sa bakbakan sa Basilan nitong nakaraang linggo, ipinagmamalaki naman nila ito dahil sa karangalan na ginawa nito sa paglingkod sa bayan. Ito ang ipinahayag ng ama ng binatang sundalo na si Private First Class Jose Talamante, Jr. Si Jose, Sr. ay isang retiradong sundalo, ayon sa ulat ng dzBB. Ayon sa ama ng sundalo, hindi nila pinagsisihan ang piniling trabaho kanyang anak. Si Talamante Jr. ay pang-apat sa limang magkakapatid. Nakaburol ngayon ang labi ng sundalo sa kanilang bahay sa Taguig.City. Nakatakdang ilibing si Talamante sa darating na Huwebes sa Libingan ng mga Bayani. Dumating noong Sabado sa Fort Bonifacio sa Taguig City ang labi ni Talamante kasama ang labi ng apat pang mga sundalo na kasama nitong nasawi sa bakbakan laban sa Abu Sayyaf sa barangay Upper Cabengbeng, Sumisip, Basilan noong Huwebes. Sinalubong ni Army Chief Lt. Gen Emmanuel Bautista, kasama ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan, ang mga labi ng limang sundalo na ginawaran ng "heroes' welcome" maliban pa sa ibinigay na financial assistance sa kanilang naiwang mga pamilya. Ang mga labi ng iba pang mga sundalong nasawi rin ay naiuwi na sa kani-kanilang mga probinsiya. Kabilang sa mga namatay ay sina: Privates First Class Segundiano Tamayo Jr., Rey Evangelista, Arnold Coresis, Cleto Algayan, Kennith John Maribao, Jose Marvin Talamante, Mark Ocampo, Arwin Martinez at Erwin Alerta; at Cpl. Jerry Areglado. — MM /LBG, GMA News