ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga pamilyang inilikas mula sa pagbaha sa Valenzuela City, nagsiuwan na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Umuwi na sa kani-kanilang mga bahay ang ilang mga residente ng Barangay Marulas sa Valenzuela City matapos lumikas nitong madaling araw dahil sa matinding pagbaha sa kanilang lugar.
 
Sa panayam kay Ariane del Rosario ng Valenzuela City Rescue, inihayag niyang nagsimulang umuwi nitong 11 ng umaga ang siyam na pamilya, na kinabibilangan ng 36 indibidwal, na inilikas sa Constantino covered court sa Valenzuela City.
 
Sumunod namang umuwi sa kani-kanilang mga bahay nitong 1 p.m. ang natitirang 15 pamilya, na kinabibilangan ng 86 residente, mula sa Valenzuela National High School.
 
Ayon kay Del Rosario, pinauwi na ng lokal na gobyerno ang mga pamilya sa kani-kanilang mga bahay matapos humupa ang baha sa kanilang lugar nitong umaga. "Pinauwi na kasi wala nang baha," aniya.
 
Inilikas ang mga residente nitong 2 a.m. bunsod sa pagbaha sa kanilang lugar.
 
Ayon sa hiwalay na ulat ni Mav Gonzales para sa 'News to Go' ng GMA News TV, umabot umano ng hanggang bewang ang sukat ng baha sa lugar nitong hating-gabi.  
Sa nauna namang panayam, inihayag ni Del Rosario na kanila nang inaasahan ang pagbaha sa Barangay Marulas kapag tumaas ang tubig sa Tullahan River, na pinagdadaluyan ng tubig mula sa La Mesa Dam.
 
"'Yung Marulas kasi 'yung pinakamalapit sa Tullahan River, 'yan lang talaga 'yung apektado," aniya.
 
 
Maliban sa Valenzuela City, apektado rin ang ilang bahagi ng lungsod ng Quezon, Malabon at Navotas, ayon kay La Mesa head-works manager Engineer Teddy Angeles.
 
Nitong 3 p.m., nasa 79.82 meters ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam, ayon kay Angeles.
 
Dagdag niya, "Bumababa na [ang lebel ng tubig] pero mabagal kasi umuulan."
 
Manatili muna sa mga evacuation center
 
Samantala, iginiit ni Angeles na dapat umanong manatili na lamang muna sa mga evacuation center ang mga mamamayan upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
 
"Ayaw namin [na umuwi na 'yung mga residente] kasi mamayang gabi, maaari pang tumaas pa ang tubig dahil sa ulan," aniya.
 
Ayon sa kanya, inirerekomenda niya ang 'preemptive evacuation' sa mga kalapit na lugar habang nananatili pa ring mas mataas sa 79.50 meters ang lebel ng tubig sa lugar.
 
Inirekomenda niya ang preemptive evacuation, "which means it is up to the discretion of the local governments to evacuate,” paliwag niya.
 
Nitong Linggo ng hapon unang inirekomenda ng mga opisyal ng La Mesa Dam na magkaroon ng preemptive evacuation ng mga residenteng naninirahan malapit sa Tullahan River matapos umabot ng 79.59 meters ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam.
 
Aapaw ang nasabing dam kapag umabot ang lebel ng tubig sa 80.15 meters. — RSJ, GMA News