ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Shalani Soledad, planong tumakbo bilang congresswoman sa 2013 polls


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ito na ang huling termino ni Shalani Soledad bilang konsehal ng Valenzuela City kaya naman sa darating na eleksyon 2013 ay balak ng host-politician na tumakbo ng mas mataas na posisyon bilang congresswoman ng 2nd District sa naturang siyudad.
 
“Pag tatakbo po ako sa 2013, higher position po. Baka po Congress po, sa District 2 ng Valenzuela City,” sabi ni Shalani sa panayam kay Glen P. Sibonga ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph)
 
Sa bagong yugto ng buhay politika ni Shalani, tiwala naman siya na makatutulong ang mga karanasan niya sa tatlong termino niya bilang konsehal sa balak niyang pagtakbo sa Kongreso.
 
Wika pa ng host-politician, "Of course, siyempre hindi mo masabi ang mangyayari, di ba? Although, it helps na magna-nine years na rin ako next year na konsehala, so familiar ka doon sa distrito mo and familiar din yung mga kababayan mo o constituents mo sa iyo."
 
Gayundin, hindi naman maiwasan ni Shalani na makaramdam ng kaba sa balak niyang pagtakbo sa darating na eleksyon.
 
Ayon pa sa kanya, "Pero, siyempre, different position, e, mas mataas na posisyon. Yung expectations nila sa iyo, siyempre mas mataas na rin, so nakakakaba. Sana ma-meet ko yung expectations nila."
 
Kaya naman umaasa ang host-politician na manatili ang tiwala sa kanya ng mga mamamayan ng Valenzuela ngayong balak nitong tumakbo bilang congresswoman.
 
Sa parehong panayam, pinabulaanan naman ni Shalani ang mga lumabas na balitang buntis siya dahil nakakaranas siya ng mga "morning sickness."
 
Giit pa nito, “Sinasabi ko nga, hindi pa po ako buntis. Sabi ko, mataba lang talaga. Huwag po kayong mag-alala, kapag totoong-totoo na ako ay buntis na, ipapaalam ko naman po 'yon.”
 
Dagdag pa niya, excited siyang maging ina balang araw at gusto rin nito na lalaki ang kanyang panganay kung mabibigyan ng pagkakataon.
 
Bukod pa rito, hindi naman alam ni Shalani kung ilang anak ang gusto nilang mag-asawa dahil pa nila ito nagpag-uusapan. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News