ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PAGASA: Gener, lumakas; Batanes, isinailalim sa signal 3


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Matapos magdala ng mabigat na pag-ulan nitong mga nakaraang araw, lalo pang lumakas ang Tropical Storm Gener (Saola) nitong Lunes ng hapon.
 
Storm Signal No. 3 na sa Batanes, na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Luzon.
 
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, bumagal na umano si "Gener" ngunit nananatiling panganib sa hilagang bahagi ng Luzon.
 
"Bumagal siya dahil sa high-pressure area sa ibabaw ni Gener," ani PAGASA forecaster Jori Loiz sa panayam ng dzBB radio.
 
Sa 5 p.m. advisory nito, inihayag ng PAGASA na maaaring magdala ng 10 hanggang 20 mm per hour ng pag-ulan (heavy to intense) si Gener sa 700-km diameter nito.
 
Dahil patuloy na pag-ulan mula pa nitong Linggo, isinuspinde ng mga opisyal ng edukasyon at lokal na pamahalaan ang mga klase sa Metro Manila at ng mga katabi nitong probinsya. Nitong Lunes ng hapon, inanunsyo na rin ng Malacañang ang pagsuspinde ng trabaho ng mga opisina ng gobyerno at pati na rin ang mga klase ng kolehiyo.
 
Lokasyon ni Gener
 
Ayon sa weather bureau, nitong 4 ng hapon, matatagpuan si Gener sa 260 km mula sa silangang bahagi ng Basco Batanes, at mayroong patuloy na hagupit na 120 kph malapit sa sentro at mayroong bugsong hanggang 150 kph.
 
Nitong Huwebes ng hapon, inaasahang umabot ng 600 km hilaga hilagang kanluran ng Basco Batanas, labas ng kinsasakupan ng Pilipinas.
 
Nagpataw ng Storm Signal No. 3 sa Batanes Group of Islands, habang Storm Signal No. 2 naman sa Cagayan, Calayan Group of Islands, at Babuyan Group of Islands.
 
Sumailalim naman sa Storm Signal 1 sa Isabela, Kalinga, at Apayao.
 
Ayon sa PAGASA, maaari umanong yumabong ang southwest moonsoon na magdadala ng pag-ulan at katamtamang hanggang malakas na hangin sa Luzon at Visayas, lalo na sa kanlurang bahagi.
 
Pinaalalahanan nito ang mga residenteng naninirahan sa mga mabababang lugar at malabunduking lugar na maging alerto laban sa mga posibleng pagbaha at landslide. Samantala, pinayuhan naman ang mga lugar malapit sa karagatan na nakararanas ng Storm Signal 2 na manatiling alerto laban sa malalakas na pag-alon o storm surges.
 
Samantala, pinaalalahanan naman ng PAGASA ang mga mangingisda na mayroong maliliit na bangka na huwag lumakbay sa karagatan tungo Central at Southern Luzon, Visayas at eastern bahagi ng Mindanao dahil sa pinagsamang epekto ni Gener at ng southwest monsoon. — Mandy Fernandez/DVM, GMA News
Tags: gener, batanes